MACAPAGAL, Lungsod ng Pasay — Patuloy ang pagbabantay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Pasay City makaraang maaresto ang mahigit 400 dayuhan sa sinasabing Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) scam hub sa may Macapagal sa kabila ng paniniguro ng mga opisyal ng lungsod sa pamumuno ni Mayor Imelda ‘Emi’ Calixto-Rubiano na hindi pinapayagan ang operasyon ng mga POGO alinsunod sa kautusan ipagbawal ang mga ito ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Nadakip ng mga awtoridad sa pangunguna ng PAOCC ang 401 foreign worker sa isang 10-palapag na gusali kalapit ng Macapagal Boulevard na nagsisilbing ‘front’ ng mga scamming operation at iba pang ilegal na aktibidad.
Bukod sa PAOCC, kabilang sa joint raiding team ang mga kinatawan ng pamahalaang lungsod ng Pasay kasana ang mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Department of Justice Office of Cybercrime (DOJ-OOC).
Hinayag ni Pasay City Business Permits and Licensing Office (BPLO) head Atty. Patrick Legaspi na nakatanggap ang kanyang opisina ng mga report ukol sa operasyon ng POGO hub at ito ang nagbunsod upang makipag-ugnayan siya kinauukulang ahensya para maberepika ang impormasyon.
“We received an intelligence report na mayroong nag-o-operate ng POGO dito. Last year, may pinasara na kami dito sa 6th floor and alam ko sa 8th floor na POGO,” ani Legaspi said habang idinagdag na ang kompanyang umookupa sa ika-anim hanggang ikasampung palapag ng gusali ay walang business permit o business license mula sa local government, na naging basehan sa pagpapalabas ng mission order (MO) laban dito.
Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, seryosong inaalam nila kung ang sinalakay na POGO hub ay may ‘koneksyon’ ‘sa mga lokal na opisyal ng Pasay, kabilang na ang lokal na pulisya sa ilalim ni Police Colonel Samuel Pabonita.
“Obviously itong grupo ng mga mag-po-POGO na ito, harap-harapan nang binabastos ang mga batas natin. Masyado na silang garapal despite may closure order na sila from PAGCOR ay nag ooperate pa rin sila ng full blast,” pinunto ni undersecretary Cruz.
Sa breakdown ng NFA hinuling dayuhan sa raid, 207 ang mga Chinese national, 132 Vietnamese, 24 na South Korean, 14 Indonesian, 12 Myanmarese,11 Malaysian at isang nagmula sa Madagascar. Hinayag din ng PAOCC na kasanang natagpuan sa scam hub ang 52 mga Pilipino. (TRACY CABRERA)
