BANGKAY NG NA-TRAP NA 3 MINERO NAREKOBER, 1 RESCUER PATAY

NUEVA VIZCAYA – Tuluyan nang nailabas ng mga volunteer rescuer ang bangkay ng tatlong illegal miners na na-trap sa loob ng tunnel matapos nila itong pasukin noong Lunes (Hunyo 23) ng gabi sa Sitio Balcony, Barangay Runruno, sa bayan ng Quezon sa lalawigan.

Subalit isang rescuer din ang nagbuwis ng buhay bago tuluyang nailabas ang tatlong small scale miners.

Kinilala ang nasawing mga minero na sina Daniel Segundo, 47; Florencio Indopia, 63, at Lapihon Ayudan, 56-anyos, pawang mga residente ng Barangay Runruno sa nasabing bayan.

Sinasabing lubhang nahirapan ang rescue team na ma-retrieve ang mga bangkay mula sa mahigit 400 metrong lalim ng tunnel noong Miyerkoles ng gabi.

Nabatid na unang narekober ang bangkay ni Segundo alas-onse ng gabi, habang sina Indopia at Lapihon ay narekober naman ng hatinggabi at nitong Huwebes ng madaling araw.

Nauna rito, isa sa mga volunteer rescuer na si John Philip Guinihid ang binawian ng buhay noong Hunyo 25, 2025, hinihinalang sanhi ng suffocation o nakalalasong gas, bago pa siya mailabas mula sa tunnel.

Si Guinihid, kasama ang kanyang kaibigang si Johnny Ayudan, ay boluntaryong pumasok sa naturang tunnel noong gabi ng Martes (Hunyo 24, 2025 upang kunin ang katawan ng kapatid nitong si Lapihon Ayudan

Nauna nang narekober nang buhay mula sa tunnel sina Alfred Dulnuan at Joval Bantiyan noong Martes, Hunyo 24, 2025.

Sila ay kasama nina Segundo, Indopia, at Lapihon na pumasok sa Runruno tunnel noong Lunes, Hunyo 23, 2025.

Ayon kay Pastor Mario Dela Cruz ng Philippine Bethel Church, Inc., isa rin sa mga volunteer rescuer, kawalan ng sapat na oxygen ang sanhi ng kanilang pagkahilo at pagkawala ng malay, dahilan kung bakit hindi na sila nakalabas sa nasabing tunnel.

“Sumakit ang ulo namin at nahirapan kaming huminga sa kaloob-looban ng tunnel kaya’t napakahirap ang isinagawang rescue at retrieval efforts,” pahayag ni Pastor Dela Cruz.

Isinagawa ng mga volunteer rescuer ng Runruno community, at ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), FCF Minerals Corp., OceanaGold Philippines, Inc., BLGU, MLGU, at iba pang Non-Government Organizations (NGOs) ang nasabing retrieval operation sa mga biktima.

(JESSE KABEL RUIZ)

 

25

Related posts

Leave a Comment