HINDI umano nakayanan ng apat na tripulante ang paglilimas ng tubig na pumasok sa barko nagresulta upang mawalan ng malay ang dalawa sa mga ito habang binawian ng buhay ang magkapatid makaraang mahirapang huminga habang nasa karagatang sakop ng lalawigan ng Cebu noong Setyembre 22.
Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) District Southwestern Mindanao ang mga biktimang namatay na sina Remil at Renato Sanico.
Habang isinugod naman sa Corazon Aquino Hospital sina Chief Engineer Anthony Napoles at Third Engineer Jerson Capuno makaraang mawalan ng malay.
Napag-alaman, naabutang wala nang buhay sa loob ng barko si Remil habang dinala sa Zonorte Hospital sa Dipolog City si Renato ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Sa naantalang report ng PCG, patungo sa Cebu City ang MV Lady of Good Voyage ngunit bandang alas-7:15 noong Miyerkoles ng gabi nang masira ang propeller ng barko dahilan upang magkaroon ng butas kaya pinasok ng tubig.
Nagdesisyon ang kapitan ng barko na bumalik ng Dipolog City para ipakumpuni ang sasakyan.
Habang naglalayag, tinangka ng apat na tripulante na limasin ang tubig sa shaft room ngunit kinapos sila ng hangin hanggang sa nawalan ng malay.
Agad na iniulat sa PCG ng kapitan ng barko ang pangyayari dahilan para magresponde ang mga awtoridad.
Nakipagpulong na ang mga opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa may-ari ng barko ukol sa magiging hakbang para tulungan ang pamilya ng magkapatid na binawian ng buhay at ang dalawa nitong kasamahan na nilalapatan pa ng lunas sa ospital. (RENE CRISOSTOMO)
179 