BASURA BABAHA SA SELF-LEARNING MODULES

INIHAYAG ni Senador Imee Marcos na dapat nang paghandaan ng pamahalaan partikular ang Department of Education (DepEd), local government units (LGUs) at paaralan ang maayos na recycling ng basurang idudulot ng self-learning modules sa pagtatapos ng klase.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na magkakaroon ng problemang pangkalikasan sa pagtatapos ng klase dahil magtatambakan ang printed self-learning modules sa pagbabalik ng klase sa susunod na linggo.

“Isipin mo yung multiplier effect ng dami ng modules sa kada subject, bukod pa yung dami ng subject sa kada mag-aaral, bilang ng mga anak na mag-aaral sa kada pamilya, at dami ng mga tahanan sa kada komunidad, katapus-tapusan nito ay gabundok na basura,” diin ni Marcos.

Ayon kay Marcos, dapat mag-organisa ng sistema sa pagtatapon ng basura na mangunguna sa pag- recycle ng itinapong papel hindi lang sa urban center kundi lalo sa mga lugar na limitado ang pag- access sa online class at dedepende lang sa printed modules bilang paraan ng pag-aaral.

“Dahil biodegradable o nabubulok naman ang papel, maiging magkaroon ng plano sa pagreresiklo para mabawasan ang mga itatapong papel sa landfill o tambakan ng basura,” ani Marcos.

“Sa totoo lang, karamihan sa mga landfill ay halos tambak ng mga ginamit na papel. Sa bagong paraan ng ating edukasyon, hindi dapat maliitin ang posibleng banta nito sa kalikasan,” dagdag ni Marcos.

Binanggit din ni Marcos na matagal nang problema ng mga lokal na pamahalaan ang dumaraming landfills kaya patuloy itong sinisikap kontrolin.

Kung makakapagpahiram ang DepEd, LGU o maging mga paaralan ng mga laptop o papayagan ang installment na paraan ng pagbabayad ay maiibsan ang pasanin ng mahihirap na mag-aaral na
makasunod sa digital learning at mababawasan pa ang paggamit ng mga papel, panukala ni Marcos.

Panukala ni Marcos, ang mga nanay na kailangang huminto sa pagtatrabaho para alalayan ang mga anak sa pag-aaral ay dapat isama sa subsidiyang galing sa gobyerno at job creation programs. (ESTONG REYES)

234

Related posts

Leave a Comment