BATAS VS TROLL FARMS IKINASA

IKINASA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magpaparusa sa mga troll farms at maging ang mga politikong nakikinabang sa kanilang pagpapakalat ng maling impormasyon.

Nakapaloob sa House Bill (HB) 11178, mas kilala sa “Anti-Troll Farm and Election Disinformation Act” na inihain ng mag-asawang sina Davao del Norte Rep. Cheeno Miguel D. Almario at PBA party-list Rep. Margarita Nograles-Almario na maaaring makulong ng hanggang 12 taon ang mga troll armies lalo na ang mga operator ng troll farms.

“Troll farms are not just digital pranks—they are systematic tools designed to deceive voters and distort democracy. This bill is our commitment to ensuring that the voice of the Filipino people remains genuine and untainted by lies,” ayon sa mag-asawang mambabatas.

Bukod sa pagkakakulong, pagmumultahin din ang P500,000 hanggang isang milyong piso ang mga nasa likod ng troll farms na wala umanong ginawa kundi magpakalat ng maling impormasyon at fake news para siraan ang kanilang kalaban ng kanilang kliyente.

Bukod sa mga troll armies at troll farm operators, awtomatikong madidiskuwalipika rin ang mga political candidates na nakikinabang sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon at fake news sa kanyang kalaban sa pulitika.

“This is about restoring trust in our democratic institutions, technology should be a force for empowerment, not manipulation. House Bill 11178 is a proactive step to ensure that innovation strengthens, rather than weakens, our democracy,” ayon pa sa panukala.

Nakasaad din sa panukala na pananagutin din ang mga online platforms kapag hindi nila inialis o binura sa kanilang sistema ang mga maling impormasyon at paninira na walang basehan, sa pamamagitan ng pagpapataw ng multa.

Inaatasan din sa panukala ang Commission on Elections (COMELEC) na makipagtulungan sa ahensya ng gobyerno tulad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa pagmomonitor at pag-iimbestiga sa troll farms.

Kasama rin sa panukala ang education campaign sa pangunguna Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED at Department of Information and Communications Technology (DICT).

“Education is a long-term solution. By equipping the public with the tools to recognize and combat disinformation, we can nurture a more informed and responsible electorate,” ayon pa sa mag-asawang Almario. (BERNARD TAGUINOD)

54

Related posts

Leave a Comment