BAWAT PINOY MAY UTANG NA P102K

BAWAT Filipino ay may utang na P102,400 kasama na ang mga bagong silang, matapos mabaon sa utang ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang nabatid mula kay House Deputy Minority Leader Carlos Zarate matapos kumpirmahin ng economic managers ni Duterte sa pagdinig ng House Committee on Appropriation sa P5.024 trillion na pondo ng gobyerno sa 2022, na umabot na sa P11 trillion ang utang ng bansa.

“The Philippines has a National Debt Record of P11.071 trillion as of May 2020, may P102,440 na pagkakautang ang bawat isa sa 109 milyong Pilipino,” ani Zarate at madagdagan pa aniya ito sa 2022 dahil mangungutang ang Duterte administration ng P2 trillion.

Bago aniya naupo si Duterte bilang pangulo noong 2016, umaabot lamang sa P6.090 trillion ang utang ng Pilipinas subalit sa loob lamang ng 5 taon ay nadagdagan ng mahigit P5 trillion.

“However, we borrow more than we need (deficit), we pay for loans we, the people, are not aware of who or where these are spent, we cannot spend our appropriations properly,” ayon pa sa mambabatas.

Bukod dito, sinabi ni Zarate na si Pangulong Duterte rin ang Pangulo ng bansa na may pinakamalaking pagtaas ng badyet kada taon dahil mula sa dating P3.01 trillion na budget ng gobyerno bago ito umupo sa pwesto ay naging P5.024 trillion na ito sa loob ng anim na taon.

Base sa record ng Kongreso, umabot sa P3.350 trillion ang unang budget ni Duterte noong 2017 at naging P3.767 trillion noong 2018, bahagyang bumaba sa P3.757 trillion noong 2019 subalit noong 2020 ay naging P4.1 trillion at tumaas pa sa P4.506 trillion ngayong 2021.

Dahil dito, palaki nang palaki aniya ang inuutang ni Duterte kaya mula sa nadatnan nitong P6.090 trillion na utang ay umakyat sa P11.071 trillion ang utang ng sambayanang Filipino sa loob ng kanyang 5 taong panunungkulan at aabot pa ito sa P13.42 trillion pagbaba nito sa 2022. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment