BUKAS si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na tumakbong pangulo sa 2022 presidential elections o maging bise presidente ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sakaling magdesisyon itong tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Sa isang one-on-one interview sa programang Tapatan ng batikang broadcast journalist na si Anthony Taberna, tiniyak ng dating senador na siya ay tatakbo sa nalalapit na halalan.
“Well, I have been ready for a long time already. Yes I am. Of course I am,” tugon ni Marcos nang direktang tanungin kung siya’y handa nang pamunuan ang bansa.
Gayunpaman, mainam pa rin aniyang pag-isipan pa ng mabuti dahil marami pang pwedeng maganap sa pulitika ng bansa.
“I am definitely running for something in May or by May of 2022. Right now, sa ngayon, siyempre tinitignan pa din natin although palapit na tayo sa filing. Ibang klase na kasi ang kampanya natin ngayon dahil nasa gitna ng Covid,” ani Marcos.
“Baka magdesisyon tayo or mag-announce at biglang may nangyari na naging mali ang desisyon mo, kailangang mag-ingat,” aniya.
Bukas din aniya siyang makatandem si Duterte-Carpio sa darating na halalang pampanguluhan. “Lahat yan pwede. Wala tayong sinasabing hindi pwede. Wala din akong sinasabing eto ang gusto o eto ang ayaw ko. As far as I am concerned, I am open to any kind of team-up or partnership.”
“Kung may proposal na ganyan, pag-usapan natin. Lahat iyan pwedeng pag-usapan. Titingnan natin kung ano ang pinakamaganda para sa ating lahat, that’s the idea behind all of these,” paliwanag ni Marcos.
“Ako naman ang basis ko lang talaga at ang pinaka-importante will always be na pareho ang hangarin namin para sa Pilipinas, para sa ikabubuti ng Pilipinas,” diin ni Marcos.
“Iyun ang hangarin, pagandahin ang Pilipinas at hindi mamulitika, iyun ang pinakamaganda sa atin,” dagdag pa niya.
Aminado rin si Marcos na tulad ng iba pang nagnanais na maging pangulo, siya man ay nag-umpisa nang mag-organisa at umikot sa iba’t ibang panig ng bansa makaraan siyang mabakunahan kontra COVID-19.
Handang-handa na rin aniya siyang tumakbo bilang pangulo.
“Physically, ang feeling ko kayang-kaya ko pa naman tatagal ng ilang taon pa at hindi pa naman ako magreretiro sa pulitika. Most importantly, ang advantage ko ay talagang marami na akong pinagdaanan sa pulitika,” tugon pa ni Marcos sabay kabig na matagal na siyang handa at may sapat na kaalaman kung paano epektibong patakbuhin ang gobyerno lalo pa’t kanyang nagisnan ang paraan ng kanyang yumaong ama.
“Bata pa ako nakikita ko na kung papaano bagamat noong panahon ng aking ama ay iba pa ang sitwasyon. At sa pag-inog ng paraan ng pamamahala, natutunan ko dahil sa ayaw at sa gusto ko talagang pag-aaralan ko dahil hindi na maiaalis sa amin ang pagiging lingkod bayan.”
“Sa karanasan ko, dumaan na ako sa executive position noong naging gobernador ako, tapos naging kinatawan ako ng Ilocos Norte at kalaunan ay nahalal na Senador. Sa palagay ko naman, marami na akong nakita, natutunan at nagawa bukod pa sa may sapat na akong kaalaman maging isang epektibong lider ng bansa,” paliwanag pa niya.
Higit din mainam sa susunod na pangulo, bukod sa kaalaman ay kailangang may kakayahang paandarin ang gobyerno para maisakatuparan ang pinangakong pagbabago, kaunlaran at iba pang ikabubuti ng bansa.
Kailangan din aniyang lubos ang pag-unawa at kaalaman ng susunod na pangulo sa bureaucracy upang matiyak na mahusay na magagawa ng mga naturang ahensiya ang kani-kanilang mandato nang walang alingasngas o anupaman. (FERNAN ANGELES)
242 