MAG-EEMPLEYO ang isang US firm ng 75,000 Filipino seafarers sa susunod na tatlo hanggang apat na taon.
Sa isang pulong kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Washington, sinabi ni John Padget, presidente at CEO ng Carnival Corp. na ang kanyang “group of companies” ay nakatakdang mag-hire ng Filipino seafarers.
Si Padget, kumakatawan din sa Carnival Cruise Line, Holland American Airlines and Seaborn, ay pinuri ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang “hospitality at competitiveness” sa global workforce.
“It doesn’t matter whether it’s the marine, deck, hospitality, restaurant…everything is based on the happiness, the smile, and the greatness of the Filipino employees,” ani Padget.
Sa nasabi pa ring pulong, inilatag naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople sa US firms ang interes ng 200,000 Pilipino na tumugon sa “fair and ethical standards and principles.”
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang US employers para sa kanilang patuloy na kumpiyansa sa Filipino professionals at skilled workers.
Sa ulat, tinatayang mahigit apat na milyong Filipino immigrants (temporary at permanent) ang nasa Estados Unidos, kumakatawan sa 4th largest immigrant group kasunod ng Mexicans, Indians at Chinese.
Para naman kay House committee on migrant workers chairman Rep. Ron Salo, panalo ng Pinoy seafarers ang nasabing resulta ng pagbisita ni Marcos Jr. sa US.
“This is truly a momentous occasion for our seafarers and the entire maritime industry,” ani Salo at isa aniya ito sa patunay na kinikilala at pinagkakatiwalaan ng international workers ang mga Pilipino.
Ayon naman kay House Speaker Martin Romualdez, bukod sa mga maritime industry, ay inaasahan din na magkakaroon ng karagdagang trabaho sa sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) dahil magtatayo umano ng call center ang Atento sa Iloilo Business Park sa Mandurriao district, Iloilo City.
Maging ang American healthcare services provider na Optum ay maglalagak umano ng P800 Million puhunan sa Pilipinas sa para Medical BPO kung saan tinatayang 1,500 call center agents ang kanilang kukunin.
“The Philippines has a lot to offer foreign investors, including a young and growing workforce, a strategic location, and a favorable business environment,” ani Romualdez.
Nabatid na maging ang Moderna Inc. ay nakatakdang magtayo ng pasilidad sa Pilipinas na mangangahulugan ng karagdagang trabaho sa mga Pilipino sa loob mismo ng bansa. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
