BANTA NG CHINA DAPAT KONDENAHIN NI MARCOS JR. – SOLON

DAPAT kondenahin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil malinaw na ito ay banta at hindi payo.

Mungkahi ito ni House deputy minority leader France Catro matapos ang tinuran ni Huang na dapat tutulan ng Pilipinas ang Taiwan Independence kung may malasakit ito sa may 150,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan.

“Hindi advise ang sinasabi ni Ambassador Huang kundi banta at pagdidikta sa Pilipinas. Marapat na kondenahin ito at ipatimo sa China na dapat nitong sundin ang 2016 arbitral ruling hinggil sa West Philippine Sea,” ani Castro.

Ginawa ni Huang ang pahayag sa gitna ng ikinasang malaking balikatan exercise sa pagitan ng Amerika at Pilipinas at sa karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa bansa.

Ang karagdagang EDCA sites kung saan maaaring maglagay ng military equipment ang Amerika ay nasa bungad ng West Philippine Sea (WPS) partikular na sa Cagayan at Palawan.

Ayon sa mambabatas, imbes na diktahan ng China ang Pilipinas ay dapat itigil na nito ang pag-aangkin sa WPS at tanggalin na ang kanilang puwersa sa nasabing teritoryo.

“We agree that the US are using the new EDCA sites for their geopolitical objectives and that must be opposed and stopped but China’s aggressive actions and militarization of the West Philippine Sea (WPS) should also cease,” ani Castro.

Matagal na aniyang banta sa seguridad ng Pilipinas ang puwersa ng China sa WPS kaya bago ito magdikta ay lumayas muna ang mga ito at itigil ang pang-aakin sa buong South China Sea dahil wala itong basehan sa international law.

Huang pinare-recall

Hinimok naman ni Senador Risa Hontiveros ang gobyerno na hilingin sa China na irecall sa bansa si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Binatikos din ng senador ang pahayag ni Huang na tila tinatakot ang gobyerno kung susuportahan ang Estados Unidos sa panghihimasok sa girian ng China at Taiwan.

“These are truly disgraceful statements from Ambassador Huang Xilian. How dare he threaten us,” pahayag ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na may karapatan ang mga manggagawang Pinoy na magtrabaho kung saan sila makakapagtrabaho kasabay ng pahayag na hindi dapat hayaan ang China na magdesisyon sa kinabukasan ng mga pamilyang Pilipino.

“Our OFWs in Taiwan will continue to work where they work. End of story. Filipinos will thrive and make a living according to our wishes. We will never let Beijing decide on the future of Filipino families. Their destiny is not in China’s hands,” diin ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na dahil sa pananakot ng ambassador, dapat hilingin na ng administrasyon sa Beijing na alisin sa bansa si Huang dahil wala siyang karapatang maging diplomat kung hindi ito magpapakita ng respeto at dignidad para sa mga Pilipino.

“He, along with his country’s ships and artificial islands in the West Philippine Sea, should pack up and leave,” diin ni Hontiveros.

Nilinaw naman ng senador na hindi kailanman manghihimasok ang Pilipinas sa isyu ng Taiwanese independence dahil ito ay eksklusibo sa mamamayan ng Taiwan at nirerespeto ito ng mga Pilipino.

Kung may isyu anya ang China sa Estados Unidos, ay hindi naman dapat kaladkarin pa ang Pilipinas sa iringan.

150K Pinoy unahin

Samantala, patuloy ang panawagan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa gobyerno, partikular na sa Department of Migrant Workers na masusing imonitor ang development ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Taiwan at China upang matiyak na mailalatag ang contingency measures para protektahan ang mga Pilipino sa lugar.

Nangangamba si Go na posibleng malagay sa alanganin ang kabuhayan ng may 150,000 na overseas Filipino workers sa Taiwan kaya’t dapat na ihanda ng gobyerno ang lahat ng suporta para sa kanila.

Sinabi ng senador na kailangang iprayoridad ng gobyerno ang kapakanan at kaligtasan ng mga OFW na nagnanais lamang masuportahan ang kanilang pamilya. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

269

Related posts

Leave a Comment