BBM DEDMA SA OBRERO ‘DI KASI ‘NAGBABANAT NG BUTO’ – LABOR GROUP

HINDI na ipinagtaka ng isang dating kongresista ang inasal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bumiyahe sa Amerika imbes na harapin ang mga manggagawang Pinoy sa Araw ng Paggawa dahil hindi nito alam ang pinagdadaanan ng mga anakpawis.

Ginawa ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, acting chairman ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang pahayag dahil nasa Amerika si Marcos habang ginugunita ng mga obrero ang Labor Day noong Lunes.

“Mismong si Marcos na ang naglantad ng sariling kawalang pakialam sa anakpawis. Palibhasa’y hindi nagbabanat ng buto, kaya walang malasakit sa nagbabanat ng buto,” ani Casilao.

Kasama ang nasabing grupo sa malawakang kilos protesta noong Mayo 1 na nanawagan ng nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, kalayaan sa asosasyon at makatotohanang reporma sa agraryo.

Gayunpaman, bigo ang mga manggagawa na makarinig ng anunsyo ng umento sa sahod sa buong bansa, sa halip ay nilibre lang sila ng gobyerno sa pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Sinabi ni Casilao na hindi ang isang araw na libreng pamasahe ang matagal nang hinihingi ng mga manggagawa kundi disenteng sahod subalit patuloy silang pinagkakaitan ng gobyerno.

Sa ngayon ay pumalo na aniya sa P1,161 ang dapat kitain ng isang pamilya na may 5 miyembro matapos sumirit ang inflation rate o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko subalit P570 lamang ang minimum wage sa Metro Manila habang mas mababa sa ibang rehiyon.

“Paanong sisigla ang agrikultura ng bansa kung sarili nating pamahalaan, mababa ang tingin sa mga pesanteng bumubuo sa demokratikong mayorya ng populasyon? Pinagkakaitan na nga nila ng lupa, binabarat pa nila,” ayon pa kay Casilao. (BERNARD TAGUINOD)

63

Related posts

Leave a Comment