‘Empty promises’ asahan sa 3rd SONA MARCOS BINIGYAN NG BAGSAK NA GRADO

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI excited ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil malamang sa hindi ay punong-puno na naman umano ito ng ’empty promises’.

Sa press conference kahapon ng Makabayan bloc sa Kamara, kapwa sinabi nina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at ACT party-list Rep. France Castro na walang magandang irereport si Marcos sa taumbayan kundi ang nakaiinsultong P35 na umento sa mga manggagawa sa Metro Manila.

“This would be just another SONA. Ang tingin natin dito mga flowery words talaga ang pipiliin at malamang empty promises na naman sa signipikanteng dagdag na sahod. Ang irereport sa atin etong P35 na dagdag na sahod na sabi nga namin ay nakaiinsulto,” ani Brosas.

Para sa grupo ng mambabatas, bagsak ang grado ni Marcos sa kababaihan dahil wala umano itong nagawa sa kapakanan ng mga manggagawa at maging sa presyo ng mga bilihin na patuloy ang pagtaas.

“In fact hindi lang basic commodities ang tumaas, ang totoo po kahit ang non-food items tumaas yan… 5.7 percent ang inflation,” ayon pa kay Brosas.

Bukod dito, walang maayos na trabahong napasukan aniya ng mga tao dahil hanggang ngayon ay walang hanapbuhay ang mahigit dalawang milyong Pilipino subalit walang maayos na solusyon dito ang Pangulo.

Sinabi naman ni Castro na bagamat maraming pet bills si Marcos na naging batas ay hindi ito nararamdaman ng mga tao kaya wala umano itong pwedeng ipagmalaki sa kanyang ikatlong SONA sa July 22.

Maliban dito, malaking usapin din ang problema sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa pananakop ng China at maging ng Amerika sa Pilipinas subalit walang naririnig na tugon dito ng Pangulo.

“Meron ba siyang konkretong solusyon sa mga problemang ito. Yung POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) na nagdadala ng malaking problema sa ating bansa, maririnig ba natin sa kanya (sa SONA) na iba-ban na niya?,” ayon pa kay Castro.

Dahil dito, imbes na dumalo umano ang mga ito sa SONA ni Marcos ay sasama na lamang ang mga ito sa SONA ng bayan sa labas ng Batasan Pambansa upang mapakinggan ang daing ng mamamayan na siyang dadalhin naman ng mga ito sa Kongreso para tugunan.

37

Related posts

Leave a Comment