Ikinakasa ng mga tagasuporta FEB. 14 PROCLAMATION RALLY NG UNITEAM SA QC

IKINAKASA na ng mga tagasuporta ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang isasagawang proclamation rally ng UniTeam sa Quezon City sa mismong Valentine’s Day, Feb. 14, 2022.

Kaugnay nito, umaasa ang kampo ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na papayagan na sila ng lokal na pamahalaan na makapagdaos ng proclamation rally sa Quezon City Memorial Circle (QCMC).

Kahapon ay nagtungo si Edwin Rodriguez, kinatawan ng Malayang Quezon City sa tanggapan ng QCMC para pormal na humingi ng pahintulot na magamit ang QCMC sa nasabing okasyon.

Ayon kay Rodriguez, tinanggap ng pamunuan ng QCMC ang kanilang request para mabigyan ng permit ang isasagawang rally na magsisimula dakong alas-3 ng hapon sa nasabing petsa.

Gayunman, hihintayin pa nila ang pahintulot na magmumula sa Quezon City hall.

Tiniyak naman aniya ng isang staff ng QCMC na wala pang naka-schedule na aktibidad sa QCMC para sa Feb. 14 base sa kanilang logbook.

“[Ang] Linaw-linaw, ang sinabi nila (QCMC) na wala pa daw naka-schedule sa February, nasa kanila na yun kung papayagan nila ‘lesson from the past’ na payagan nila,” ani Rodriguez.

Matatandaan na noong Disyembre 8, ng nakaraang taon ay hindi pinayagan ng lokal na pamahalaan ang political event na gaganapin sana ng BBM-Sara Uniteam sa Liwasang Aurora.

Sa nasabing plano, matapos ang caravan ay tutuloy ang UniTeam sa QCMC para magdaos ng maiksing palatuntunan. Dahil hindi pinahintulutan, isinagawa na lang ng mga tagasuporta ng UniTeam ang kanilang programa sa harapan ng Commission on Audit (COA) sa Commonwealth Avenue saka dumiretso sa Welcome Rotonda na boundary ng Quezon City at Maynila.

Ipinakita sa nasabing caravan ang mainit na suporta ng mga taga-Quezon City at iba pang lugar sa Metro Manila sa tambalang BBM-Sara gayundin kay QC mayoralty candidate Mike Defensor at ka-tandem nito bilang vice mayoralty candidate na si Winnie Castelo.

Samantala, sinabi ni Rodriguez na abala na ngayon si Defensor sa kanilang pagbibigay ng antigen test sa mga residente ng Quezon City.

Partikular aniya ang mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) dahil sila ang mga nasa panganib na mahawaan ng COVID-19.

Bukas aniya ang kanilang programa sa mga supporter man nila o hindi.

Nakahanda rin silang tugunan ang anomang pagkukulang ng lokal na pamahalaan upang maibigay ang tamang serbisyo sa mga taga-Quezon City. (JOEL O. AMONGO)

Related posts

Leave a Comment