INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Commission on Higher Education (CHED) na kaagad tugunan ang kakapusan sa nars dahil sa migrasyon o pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ito ang nakikita ng Pangulo na dahilan kung bakit labis na naapektuhan ang pagbibigay ng epektibong healthcare sa bansa.
“We have to be clever about the healthcare manpower. Our nurses are the best, buong mundo na ang kalaban natin dito,” ayon sa Pangulo sa isinagawang pakikipagpulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector group sa Palasyo ng Malakanyang, nitong Miyerkoles.
“Lahat ng nakakausap kong President, Prime Minister, ang hinihingi is more nurses from the Philippines,” ayon sa Pangulo.
Sinabi nito na inatasan na niya ang CHED na gumawa ng konkretong hakbang para panatilihin ang Filipino nurses na nagtatrabaho sa bansa.
Bilang tugon sa Pangulo, sinabi ni CHED Chairperson Prospero de Vera III na nagsasagawa na sila ng interbensyon para tugunan ang kakapusan sa nars.
“Under the nursing curriculum with exit credentials, students could have several options: exit at the end of Level I or II, obtain the certificate or diploma in Nursing, or choose to continue and finish the four-year nursing program to become a registered nurse,” ang sinabi ni De Vera sa PSAC Health Sector group.
Sinabi pa ni De Vera na tinatrabaho rin ng CHED ang flexible short-term masteral program para tugunan ang kakulangan ng mga instructor sa nursing at medical schools.
Ang Department of Health (DOH), ayon naman kay Officer-in-Charge Undersecretary Rosario Vergeire, ay ina-assess na ang status ng panukalang batas ukol sa Magna Carta for Public Health Care Workers and Philippine Nursing Act habang nagsasagawa ng pag-aaral hinggil sa standardization ng sahod ng mga nars, doktor at healthcare workers.
Napagkasunduan din sa meeting na imo-monitor ng PSAC ang mga bagong teknolohiya sa healthcare na maaaring gamitin para sa geographically isolated at disadvantaged areas at irekomenda sa DOH at PhilHealth.
Pag-aaralan din ng PSAC ang feasibility ng pagtatatag ng remote diagnostics centers at i- assess ang bagong medical technologies at halaga nito. (CHRISTIAN DALE)
250