KMP: BBM LAMYERDA INUNA KAYSA PAGHAHANDA SA EL NIÑO

IMBES paghandaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang El Niño phenomenon ay naglalamyerda ito.

Akusasyon ito ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) dahil matapos ang US State visit ng Pangulo na siya ring Department of Agriculture (DA) secretary ay tutungo naman ito sa London para dumalo sa koronasyon ni King Charles.

“Sa halip na maghanda para sa kalamidad ng El Niño at epekto nito sa agrikultura, naglalamyerda na naman ang Pangulo at DA Secretary na papunta naman sa London para sa koronasyon ni King Charles,” ayon kay KMP chairman Danilo Ramos.

Nakatakdang matapos ang 4 days state visit ni Marcos sa Amerika ngayong araw at sa Mayo 7 ay pupunta naman ito sa London na susundan sa Mayo 10 ng biyahe patungong Indonesia.

Ayon kay Ramos, wala pang nakikita ang mga ito na paghahanda para maibsan ang epekto ng El Niño sa sektor ng pagsasaka at maiwasang magkaroon ng shortage sa supply ng pagkain.

Patuloy rin aniyang binabalewala ng gobyerno ang kanilang mungkahi na bigyan ng P15,000 production subsidies ang mga magsasaka at mangingisda lalo na’t pataas nang pataas ang production cost.

Layon sana aniya nito na mas mapalaki ang produksyon ng mga magsasaka habang hindi pa tumatama ang El Niño sa bansa na ayon sa PAGASA ay 80% na ang probability at tinatayang magaganap sa Hunyo hanggang Agosto at magtatagal hanggang sa unang bahagi ng 2024.

“Our past experiences have shown that El Niño and other adverse climate patterns may also result in lower agricultural output and even crop failures. Our only option now is how to mitigate the risks and impact of El Niño. Both the government and stakeholders should be prepared,” ani Ramos. (BERNARD TAGUINOD)

236

Related posts

Leave a Comment