‘KRIMEN’ NG MGA MARCOS HUHUGASAN SA AO 22 NI PBBM

PAGPAPABANGO lang sa international community na nililigawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at paghuhugas sa mga krimeng nagawa ng kanyang ama at diktador na si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang Administrative Order (AO) 22.

Ganito inilarawan ni Bayan Muna executive vice president Carlos Zarate ang inilabas na AO 22 para sa pagbuo ng Special Committee on Human Rights Coordination para umano maproteksyunan ang karapatang pantao ng mga Pilipino.

“Nothing special regarding this committee as it is just another bureaucratic layer to make the Marcos Jr. administration acceptable in the community of nations where human rights is of paramount concern,” ani Zarate.

Sinabi ng dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list, kung talagang nais ni Marcos na maprotektahan ang karapatang pantao, kailangan niyang buwagin ang National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ginamit umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya lumala ang human rights violations.

Bukod dito, kailangang panagutin muna aniya ni Marcos ang human rights violators, red-taggers, amyendahan ang anti-terror law at ipatigil ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga kritiko ng gobyerno.

“Otherwise, this committee is just another special way of ‘crime-washing’ the human rights record of the Marcos Jr. administration,” paliwanag pa ni Zarate.

Maniniwala lang din umano si Albay Rep. Edcel Lagman na seryoso si Marcos na protektahan ang karapatang pantao ng mga Pilipino kung raratipikahan nito ang Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance, na niratipikahan ng 71 bansa sa mundo.

Iginiit din ni Lagman na kailangang sertipikahan bilang ‘urgent bill’ ang Human Rights Defenders Protection Act na naipasa na ng Kamara noong 17th at 18th Congresses subalit hindi nagiging batas dahil laging inuupuan ng Senado.

Base sa Administrative Order No. 22, tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Mayo 8, ang Special Committee on Human Rights Coordination ay nilikha, inatasan na panatilihin ang inisyatiba at nagawa ng United Nations for the Joint Programme (UNJP) on Human Rights sa aspeto ng law enforcement, criminal justice, at policy-making.

Ang Pilipinas ay isang state party sa ilang international human rights instruments, gaya ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights, at International Covenant on Civil and Political Rights.

Itinatag din ng Pilipinas ang Presidential Human Rights Committee (PHRC) para bumalangkas ng isang National Human Rights Action Plan, at tiyakin ang pagsunod ng bansa sa obligasyon nito sa international human rights groups. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

40

Related posts

Leave a Comment