PAGIGING NO. 1 RICE IMPORTER NG PINAS IIWANG LEGACY NI PBBM

NGAYON pa lamang ay mag-iiwan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng pangit na record sa industriya ng bigas dahil maitatala ito bilang world number one rice importer sa tatlong magkakasunod na taon o mula 2022 hanggang 2025.

Dahil dito, binatikos ng Amihan National Federation of Peasant Women si Marcos dahil ayaw nitong bitiwan ang Rice Tariffication Law o Republic Act (RA) 11203 kahit ito ang dahilan kaya sa loob ng magkakasunod na tatlong taon ay number one rice importer ang Pilipinas.

“Dapat talagang ibasura ang batas at hindi solusyon ang pag-amyenda dito dahil pasakit ito sa mga magsasaka, lokal na produksyon at food security ng bansa,” ani Zenaida Soriano, pangulo ng nasabing grupo.

Ginawa ng lider ng magsasakang kababaihan ang nasabing pahayag dahil base umano sa forecast ng United States Department of Agriculture (USDA), mula sa 3.9 million metric tons na inangkat na bigas ngayong taon ay tataas ito ng 4.1-4.2 million MT o 5.1% hanggang 2025.

Gayunpaman, imbes ipabasura ng Pangulo ang nasabing batas ay pinaamyendahan lang niya ito kaya magpapatuloy aniya ang paghihirap ng mga magsasaka at malabong makamit ang food security sa bansa.

“Traydor si Marcos sa mamamayang Pilipino, pinapaboran pa niya ang negosyo ng mga dayuhan kaysa interes ng mga magsasaka,” ayon pa kay Soriano.

Ayon pa sa pag-aaral ng United States Department of Agriculture, nananatili ang India bilang nangungunang rice exporter sa buong mundo at inaasahang makakapag-export ito ng hanggang 18 million metric tons na bigas na katumbas naman ng 1.3 ng kabuuang global export volume. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL RUIZ)

55

Related posts

Leave a Comment