PAGPROTEKTA SA TERITORYO, SOBERANYA DINIINAN NI PBBM

BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kahalagahan ng patuloy na paglaban para sa kalayaan lalo na ang protektahan ang teritoryo at soberanya ng bansa.

Wala namang binanggit na anomang bansa ang Pangulo sa kanyang vlog na may pira-pirasong pahayag mula sa kanyang keynote speech sa International Institute for Strategic Studies’ Shangri La Dialogue, kung saan kinastigo nito ang ilegal na pagpasok ng Tsina sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Sa nakaraang 126 taon at hanggang ngayon ay patuloy nating pinaglalaban ang ating kalayaan, kalayaan sa iba’t ibang aspeto ng ating pagka-Pilipino, higit dito, kalayaan sa ating teritoryo at ating soberanya,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang vlog na naka-upload sa kanyang social media pages.

“Kaya walang pagod ang ating pagbabantay, walang katapusan ang ating pakikipagpulong sa ibang bansa upang matulungan din tayong maisulong ang ating kapakanan at karapatan,” ang winika ni Pangulong Marcos.

Hindi naman aniya lingid sa kaalaman ng publiko ang mga inilunsad na cultural projects ng gobyerno para patuloy na ipreserba ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na aktibong lumahok sa events ng paggunita ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan sa Hunyo, 12, Miyerkoles.

“Itong buwan ng kalayaan, gisingin pa natin ang ating diwa sa pagka-Pilipino, buhayin ang mga nasyonalismo sa ating dugo at iwagayway ang bandilang Pilipino,” aniya pa rin.

Kabilang naman sa government-sponsored Independence Day activities mula Hunyo 10 hanggang 12 ay “cooking competitions, chili-eating contests at obstacle courses” sa kahabaan ng Luneta. (CHRISTIAN DALE)

133

Related posts

Leave a Comment