(DANG SAMSON-GARCIA)
DAPAT magpaliwanag sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Executive Secretary Lucas Bersamin sa sugar shipment na pumasok sa bansa bago pa mailabas ang Sugar Order No. 6 para sa importasyon ng 440,000 metric tons ng asukal.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng panawagan nito sa Department of Agriculture na tigilan ang gaslighting sa isyu ng sugar shipment.
“Wala naman sanang gaslighting. Sa draft sugar order nakapirma ang tatlong board ng SRA at Usec ng DA. Hindi lang nakapirma yung concurrent DA Secretary,” pahayag ni Hontiveros.
Ito ay matapos itanggi ng DA na bahagi ng Sugar Order 6 ang dumating na shipment at posibleng bahagi ito ng minimum allowable volume.
“I don’t know if they’re covering it up or sumusubok sila magpaliwanag. Hindi katanggap-tanggap. Lalong nadagdagan ang kababalaghan.
Sana ma-refer na agad sa committee at maimbestigahan. Mataas pa presyo ng asukal. Naghihintay tao na mawala yung mga ganitong kababalaghan,” giit ng senador.
Sinabi ni Hontiveros na magkaiba ang MAV at draft Sugar Order 6.
“Ang MAV ibang tatlong importers nakapangalan. Ibang tatlong importers ito– All Asian Countertrade, Sucden Philippines at Edison Lee marketing. Ang All Asian hindi identified importer sa MAV,” diin pa ni Hontiveros.
“Dapat walang ganyang klaseng gaslighting. Kasi kitang-kita sa usapin ng listed importers at amount iba sa dalawang sistema — iba sa MAV at sa importation,” diin ni Hontiveros.
Ipinaalala pa ng senador na nang dumating ang shipment ay wala pa ring guidelines ang MAV kaya’t paano nakapasok ang shipment.
“May na-smuggle na sugar wala pang sugar order. May nakapasok na MAV, wala pang guidelines,” dagdag pa nito.
Tatalupan
Kasabay nito, iginiit ni Hontiveros sa inihaing Senate Resolution 497, talupan ang misteryo sa likod ng Sugar Order No. 6 (SO6) na nagbibigay pahintulot sa importation ng 440,000 metriko toneladang asukal.
Partikular na tinukoy ng Senador ang aniya’y paglapag sa Port of Batangas ng 260 dambuhalang containers na pawang naglalaman ng asukal na binili sa ibang bansa.
Pagsisiwalat ni Hontiveros, Pebrero 9 nang dumating ang mga naturang kargamentong nakapangalan sa kumpanyang All Asian Counter Trade Incorporated (AACTI), habang ang SO6 naman aniya ay inilabas ng Sugar Regulatory Administration (SRA) isang linggo pa ang lumipas – Pebrero 15, 2023.
Ayon kay Hontiveros, hindi naaayon sa mga umiiral na batas ang pagpasok muna ng kargamento bago pa man simulan ang ‘application for sugar importation.’
Paliwanag pa niya, limang araw mula sa petsa ng Sugar Order pa lang pwedeng tumanggap ang SRA ng ‘application for sugar importation’ mula sa mga kumpanyang interesadong magpasok ng asukal sa bansa.
Kung masusunod anya ang tamang proseso, ang pinakamaagang petsa na pwedeng lumapag sa bansa ang sugar shipment – Marso 1,2023.
Nagpahayag rin ng pagkabahala ang opposition senator sa inilipat na responsibilidad ng SRA sa kagawarang pinamumunuan ni Pangulong Marcos Jr.
Mungkahi ni Hontiveros, isang senate investigation sa hangaring mabatid kung paano nakapasok sa bansa ang sugar shipments nang wala pa naman Sugar Order mula sa SRA.
Noong isang taon, nadiskubre ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang ‘illegal’ resolution ng SRA para sa importasyon ng karagdagang 300,000 metric tons ng asukal.
“Actually, siya (ES Rodriguez) ang nakahuli nito. Siya ang nagdala ng issue sa Presidente at ipinakita ang [resolution] na pinirmahan ng board na illegally nag-convene,” pahayag sa live interview sa noo’y Press Secretary na si Trixie Cruz-Angeles.
Aniya pa, “At si Presidente mismo ang nagsabi na hindi niya pinayagan ang importation na ito. So doon lahat nag-umpisa… si ES (Rodriguez) din po ang gumawa ng hakbang para maumpisahan ang imbestigasyon.”
Sa isa pang paglilinaw, binigyang diin ni Cruz-Angeles na walang kinalaman si Rodriguez sa pagpapalabas ng SRA ng SO 4 noong Aug. 9, 2022 na nagpapahintulot sa importasyon.
“Ang maliwanag lang sa atin ngayon ito: simple lang, walang kinalaman si ES (Rodriguez) sa importation. Nag-issue siya ng direktiba na gumawa ng importation plan. Sa’n nanggaling yung importation plan? Aba eh di sa Pangulo din natin. Inutusan niya si ES na magdirekta ng importation plan para makita — uulitin natin: feasibility ng importation.
“Kailan mag iimport? Magkano at kanino natin bibilhin? Maaari rin sa importation plan sabihin na hindi pa ngayon mag-iimport. Sa madaling sabi, ang importation plan ay hindi importation order,” paglilinaw ni Angeles.
