PINOY NILILIGAW NI BBM SA EDCA

(BERNARD TAGUINOD)

KUNG hindi binibigyan ng maling impormasyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nililigaw nito ang mga Pilipino Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ito ang pahayag ni House deputy minority leader France Castro matapos sabihin ni Marcos na ang karagdagang EDCA sites sa bansa ay hindi gagamitin ng Amerika sa kanilang offensive action.

Mistulang nilektyuran ng kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list si Marcos hinggil sa nilalaman ng military agreement na ito sa pagitan ng Pilipinas at Amerika para magkaroon ng ideya ang Pangulo kung ano ang tunay na pakay at misyon ng dayuhang puwersa.

Sa ilalim ng Article 4 ng EDCA ukol sa kagamitang pandigma at supplies, nakasaad umano na pwedeng mag-imbak ang Amerika sa EDCA sites at maaaring gamitin ang mga ito sakaling magkaroon ang dalawang bansa sa kanilang defense capabilities.

“The second sentence is the main purpose of Par. 2—that the US can store weapons, ammunition and other war materiel and equipment in the agreed locations on the ground that it is intended to “enhance” its defense capability. It must also be noted that the EDCA does not prohibit the use of these prepositioned armaments in covert or overt military operations in the Philippines or abroad,” ayon pa kay Castro.

Patunay aniya ito na hindi pwedeng tumanggi ang Pilipinas sa preposition ng mga kagamitang pandigma at walang kontrol dito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya gagawin ng Amerika ang gusto nilang gawin tulad ng pag-atake sa ibang bansa mula sa EDCA sites kung kinakailangan.

“Kaya hindi ko malaman kung saan nanggaling ang sinasabi ng Malacañang, samantalang malinaw sa teksto ng EDCA na ang US ang may control sa mga EDCA sites kung anoman ang mga ipapasok doon o mga aktibidad man. Ang papel lang ng mga sundalong Pilipino doon ay tagapagbantay sa labas, in short mga security guards na bawal ding pumasok o silipin man lang ang nangyayari sa loob,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil din aniya sa EDCA, ginawang napakalaking base ng US ang Pilipinas at bagama’t hindi ito diretsang sinasabi sa kasunduan ay ito umano ang aktuwal na nangyayari ngayon.

Sa kabilang dako, aminado si Senador Imee Marcos na kinakabahan na siya hindi lamang sa posibleng banggaan ng Taiwan at China kung hindi maging sa inaasahang pagtulong ng Amerika sa Taiwan.

Ang pahayag ay ginawa ng senadora bilang reaksyon sa apat pang pasilidad ng EDCA na kinabibilangan ng dalawa sa Cagayan, isa sa Isabela at isa pa sa Palawan.

Ipinaliwanag ni Marcos na dahil malapit ang Cagayan sa Taiwan ay posibleng madamay sa gulo ang Pilipinas.

Nais ng mambabatas na maging malinaw sa mga probisyon sa EDCA na hindi gagamitin ang mga itatayong pasilidad bilang staging area ng mga posibleng pag-atake ng anomang bansa.

Dapat maging malinaw rin anya sa kasunduan na protektado ang Pilipinas mula sa anomang gulo o pag-atake na kasama ang Amerika bukod sa kailangang detalyado ang tulong na makukuha mula sa Estados Unidos.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat maipit ang bansa sa girian ng dalawang higanteng bansa at sa halip, dapat tumulong ang Pilipinas sa pagtiyak sa stability ng rehiyon. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

216

Related posts

Leave a Comment