(BERNARD TAGUINOD)
WALANG plano ang gobyerno partikular na ang Department of Agriculture (DA) na tumigil sa pag-angkat ng sibuyas.
Ganito ang pagtaya ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa pinakahuling pagdinig ng House committee on agriculture and foods kaugnay ng hoarding, price manipulation at cartel ng sibuyas na naging dahilan kaya umabot sa P750 kada kilo ang presyo nito noong Disyembre.
“While the investigation has to come up with concrete recommendations, the Marcos Jr. administration continues to insist on onion importation,” pahayag ni Brosas.
Imbes aniya na paunlarin ng DA na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang industriya ng sibuyas dahil kaya naman kung may sapat na tulong sa mga magsasaka, ay umaasa pa rin ang mga ito sa importasyon.
“Solusyon ng gobyerno ay ang pag-import ng white at red onions pa rin para umano, mapigilan ang pagtaas ng presyo nito. Ngunit kahit gano karaming sibuyas pa ang ating iangkat, hindi nito masosolusyonan ang pagtaas ng presyo lalo’t patuloy ang pamamayagpag ng mga hoarders at cartels,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa katunayan aniya, tumaas ng P20 ang kada kilo ng retail price ng sibuyas ngayon sa bansa dahil umaabot na ito sa P200 mula sa dating P180 noong nakaraang linggo.
Hindi aniya ito napapansin ng gobyerno dahil maliit lamang ang itinaas na presyo pero ramdam ito ng consumers lalo na ang mahihirap subalit walang ginagawang aksyon ang gobyerno.
Nangyayari aniya ito sa kabila ng pagtiyak ng mga may-ari ng cold storage facilities na puno ang kanilang pasilidad at may sapat na supply ng puting sibuyas hanggang Setyembre at hanggang Nobyembre naman ang itatagal ng stock ng pulang sibuyas.
“Imbes na mag-angkat, dapat agad na palakasin ang onion industry, magbigay ng ayuda sa mga apektadong magsasaka, at agad na panagutin ang mga sindikato na nasa likod ng price manipulation,” giit ng mambabatas.
