REP. MARCOS: CHA-CHA IPAUBAYA SA LEGAL EXPERTS SA KAMARA

NAIS ipaubaya ni presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa legal luminaries sa Kongreso ang usapin sa Charter Change (Cha-Cha) na unang resolusyon na inihain ngayong 19th Congress.

Sa orientation seminar na dinaluhan ng mga neophyte congressman kabilang na si Marcos, natanong ito sa usapin ng Cha-Cha matapos ihain ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 1 ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Layon ng nasabing resolusyon na palawigin ang termino ng lahat ng halal na opisyales ng gobyerno mula sa Pangulo hanggang sa pinakamababang elective officials maliban sa mga senador at barangay officials.

“With regard to Cha-cha, there are much better legal luminaries who are quite entrenched in the House, who are better suited to answer the question,” sagot ni Marcos sa mga mamamahayag.

Kailangan aniyang pag-aralan maigi ang nasabing panukala subalit mas nakakabuti kung ang mga eksperto sa batas, na marami aniya sa Kongreso, ipauubaya ang nasabing usapin.

Inihalintulad naman ni Leyte Rep. Richard Gomez sa kotse ang 1987 Constitution na dapat umanong amyendahan kaya pabor ito sa nasabing panukala ni Gonzales.

“Parang kotse yan eh ang lumang kotse kailangan inaayos na yung mga spare parts pinapalitan na,” ani Gomez.

Ang 1987 Constitution ang ipinalit sa 1972 Constitution ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr., subalit hindi ito nagalaw sa nakaraang 35 taon bagama’t taon-taon ay tinatangkang amyendahan ito sa Kongreso.

Sa ngayon ay tanging ang mga militanteng mambabatas ang kontra na baguhin ang Saligang Batas dahil kailangang unahin anila ng bagong administrasyon ang mga problema ng bayan tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, kakulangan sa trabaho, kahirapan at marami pang iba. (BERNARD TAGUINOD)

53

Related posts

Leave a Comment