TF MANILA SHIELD PAGAGANAHIN SA BBM INAUGURATION

(JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

BILANG pagtiyak na maseselyuhan ang mga lagusan patungong Metro Manila laban sa mga grupong posibleng magsagawa ng kaguluhan sa araw ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa June 30 ay pagaganahin ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Manila Shield.

Ito ay kasunod ng intelligence report na may mga militanteng grupo mula Tarlac ang nagbabalak magsagawa ng mga pagkilos sa mismong araw ng panunumpa ni Marcos Jr.

Tinatayang aabot sa 15,000 security personnel ang magbabantay sa inagurasyon kabilang ang puwersang nakapaloob sa TF Manila Shield.

Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano de Leon, layon din ng Task Force Manila Shield na masiguro ang maximum security kaugnay sa gaganaping makasaysayang okasyon sa bansa.

Kabilang sa mga ipatutupad ang mahigpit na checkpoint at gun ban.

Kaugnay nito, sinusubukan ng PNP na makipag-ugnayan sa iba’t ibang grupo na nagpaplanong magsagawa ng kilos-protesta para maging organisado at payapa ang kanilang gagawing rally.

Ia-activate ang TF Manila Shield dalawang araw bago ang inagurasyon.

Nilinaw muli ni De Leon na pinapayagan lang ang mga raliyista sa mga identified Freedom Park pero kung sila ay lalampas sa mga lugar na ipinagbabawal ay nakahanda aniya ang mga pulis na rumesponde kasabay ng pagtiyak na paiiralin ang maximum tolerance sakaling may mga magpumilit na raliyista.

Sa kasalukuyan, wala umanong serious threat na natatanggap ang AFP at maging ang PNP sa gaganaping inagurasyon ni Marcos Jr. maliban sa mga intelligence report hinggil sa mga grupong posibleng manggulo.

Kaugnay nito, all systems go na rin para sa Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbibigay nila ng seguridad sa inagurasyon ni Marcos.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo na puspusan ang ginagawa nilang paghahanda sa security operations katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak na magiging mapayapa at ligtas ang inagurasyon ni PBBM.

Ayon kay Balilo, magpapakalat sila ng floating assets sa paligid ng National Museum maging sa Malacañang, mayroon din silang ide-deploy na barko sa Manila Bay at nakahanda ang kanilang reserved force saka-sakaling kailanganin ng PNP bilang augmentation sa kanilang civil disturbance unit.

Paiiralin din ang ‘no sail zone’ sa Pasig River at sa Malacañang restricted area habang sa Manila Bay ay maaari namang maglayag ang mga sasakyang pandagat.

Kasunod nito, nanawagan si Balilo ng kooperasyon sa publiko.

Related posts

Leave a Comment