Beterano at kwalipikadong lingkod-bayan BENHUR BAGONG MMDA CHAIRMAN

BINATI ng mga taga-Mandaluyong ang dati nilang alkalde na si Atty. Benhur Abalos sa pagkakatalaga umano nito bilang bagong chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa Facebook account ng Laking Mandaluyong Inc., naka-post ang pagkakapili umano sa batang Abalos bilang kapalit ng yumaong si Danilo Lim sa puwesto.

Base sa impormasyon ng SAKSI Ngayon, sa araw na ito, Enero 11, manunumpa si Abalos.

Gayunman, wala pang kumpirmasyon sa Malakanyang hanggang kahapon ng hapon hinggil sa nasabing ulat.
“No info yet on Abalos”.

Ito ang maiksing tugon ni Presidential spokesperson Harry Roque matapos lumutang sa social media na si Benhur ang bagong MMDA chairman.

Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin naglalabas o nagkokomento ang pamahalaang lungsod ng Mandaluyong at ang pamilya Abalos ukol dito.
Kahit ang pamunuan ng MMDA ay tahimik hanggang sa ngayon kaugnay sa nasabing Facebook post.

Bukod sa pagiging beterano sa larangan ng serbisyo-publiko, kuwalipikadong lingkod-bayan si Abalos batay sa kanyang rekord sa pagiging opisyal ng pamahalaang lokal at mambabatas.
Sa kanyang panunungkulan nagpatuloy ang progreso ng Mandaluyong kung saan tinawag niya itong “Tiger City”.

Bukod sa pagiging alkalde, naging kongresista rin si Abalos bilang solong kinatawan ng Mandaluyong sa mababang kapulunan ng Kongreso.

Si Abalos ay kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP – Laban), ang partidong pinamumunuan ni Duterte.

Ang kabiyak ni Abalos na si Carmelita “Menchie” Aguilar Abalos ang kasalukuyang alkalde ng Mandaluyong.

Ang ama ni Abalos na si Benjamin Abalos Sr. ay naging tserman ng MMDA at pinuno ng Commission on Elections (Comelec) noong si Gloria Macapagal Arroyo ang pangulo ng bansa. (CHRISTIAN DALE/NELSON S. BADILLA)

182

Related posts

Leave a Comment