BIDA NA NAMAN ANG AYUDA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MASAKLAP ang pinsalang dulot ng Bagyong Carina na sinabayan pa ng habagat, hindi lang sa buong Kamaynilaan kundi sa iba pang bahagi ng bansa.

Nakadudurog ng puso ang mga eksena kung saan pinalutang sa baha ang marami nating kababayan. Punuan na naman ang mga evacuation center.

Ang nakakabwisit ay sasamantalahin na naman ang pagkakataong ito ng mga epal at bida-bida para sa kanilang ambisyong pulitikal. Sabi nga, ilang tulog na lang eleksyon na naman.

Asahan na ang pagbaha hindi ng tubig kundi ng ayuda na panandaliang bubusog sa mga nangangailangan.

Isa sa hindi nawawalang sangkap ng ayuda ang bigas na ‘multo’ sa administrasyong Marcos dahil sa ambisyoso niyang pangakong ibababa ang presyo nito sa P20 kada kilo.

Kapag bigas ang pinag-uusapan, aba hindi ito magtatapos sa masarap na sinaing.

Dami kasing plano ng gobyerno kung paano lulutasin ang presyo ng bigas sa merkado. Ang inaasam kasi ng mga konsyumer ay maging abot-kaya ang presyo ng butil nang hindi naman nasasakripisyo ang kabuhayan ng mga tao sa sakahan.

Bababa raw ang presyo ng bigas dahil sa pagtapyas ng taripa sa inaangkat na produkto. Ito ay makaraang aprubahan ng NEDA Board ang pagbabawas ng taripa ng bigas sa 15% para sa parehong in-quota at out-quota rates hanggang 2028.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, bababa ng P5-6 ang kada kilo ng bigas sa gagawing pagbabawas sa taripa.

Heto na.

Nakisawsaw na sa sinasaing si Sen. Imee Marcos. Hilaw na solusyon daw ang pagpababa sa rice tariff mula sa 35 porsyento hanggang 15%. Mga banyagang supplier lang daw ang makikinabang sa tapyas-taripa.

Teka, me punto ang ale sa usaping tapyas.

Hindi nga naman kaya ng mga lokal na farmer na makipagkompetensya sa mas murang presyo ng inaangkat na bigas.

Tuloy kaya ang mga grupo ng sektor ng sakahan na humingi ng legal na remedyo laban sa desisyon ng NEDA Board na bawasan ang tariff rates sa inaangkat na bigas?

Hindi talaga matuloy-tuloy ang sinasaing.

Ano nga ba ang halaga at epekto ng taripa?

Ang taripa sa imported na bigas ay napupunta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, na ginagamit para sa mga programang nakatuon sa pagpaparami ng ani at para mapalaki ang kita ng mga magsasaka.

Sa ilalim ng RCEF, ang kabuuang kita sa taripa o 10 billion pesos, o kung alin ang mas mataas, ay inilalaan sa mga modernong kagamitan sa pagsasaka, mga high-yielding na butil, pagsasanay ng mga magsasaka at iba pang programa na inaasahang makatutulong na maibaba ang presyo ng palay at mapalaki ang kita ng mga magsasaka.

Kung ganun, apektado nito ang ibinibigay na tulong ng gobyerno sa mga magsasaka.

Hindi naman daw. Sabi nga ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, huwag daw mangamba na ang mas mababang taripa ay magreresulta sa pagbawas sa tulong na naibibigay ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka.

Baka sa ngayon. Iba ang pagtaya kumpara sa nangyayaring kaganapan at sitwasyon.

Hindi rin matibay na sandigan ang sinabi ni Romualdez na nagsasama-sama ang mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang mapababa ang presyo ng bigas kasunod ng pagpapababa ng taripa sa inaangkat.

Baka posible lang ‘yan habang hinihimay nila sa pulong, hilaw din ang kalalabasan.

Aba, ilang buwan na lang, 2025 na. Alam n’yo na kung bakit mainit na ang kunwari ay tagong pangangampanya.

153

Related posts

Leave a Comment