TARGET ni KA REX CAYANONG
SA gitna ng lumalalang pangangailangan para sa abot-kaya at de-kalidad na serbisyong medikal sa bansa, isang makabuluhang mungkahi ang inilatag ni Representative Brian Yamsuan—ang bigyang-kapangyarihan ang Department of Health (DOH), at hindi na ang Kongreso, sa direktang pagtatalaga at pag-apruba ng bed capacity ng mga pampublikong ospital na nasa ilalim ng kanilang pamamahala.
Sa kasalukuyang sistema, kinakailangan pang dumaan sa masalimuot na proseso ng paggawa ng batas sa Kongreso para lamang madagdagan ang kama sa bawat ospital.
Hindi ba’t isang napakabagal at ‘di praktikal na hakbang ito, lalo na sa panahon ng mga krisis pangkalusugan at lumalaking populasyon? Sa halip na ang mga mambabatas pa ang magtakda ng mga teknikal na pangangailangan ng ospital, mas makabubuting ipagkatiwala ito sa mismong ahensyang may direktang kaalaman at karanasan sa mga isyung pangkalusugan—ang DOH.
Makatuwiran din ang mungkahi ni Yamsuan na ang mga adjustment sa bed capacity at service capability ay maisama na lamang sa taunang General Appropriations Act (GAA).
Aba, sa ganitong paraan, mas mapabibilis ang implementasyon ng mga kinakailangang pagbabago sa mga ospital, lalo na sa mga lugar na malayo sa kabisera at kulang sa serbisyong medikal.
Ang pag-uulat ng DOH sa Kongreso taon-taon ay nananatiling mahalaga upang magkaroon ng transparency at oversight.
Ngunit ang kapangyarihang magpasya kung ilan ang kailangang hospital beds ay nararapat lamang mapunta sa mga eksperto sa larangan, hindi sa pulitika.
Sa isang bansang may higit sa 110 milyong katao, ang kasalukuyang ratio ng isang kama kada 1,000 katao ay isang malinaw na babala.
Malayo ito sa ideal ratio na tatlong kama kada 1,000 katao, ayon sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).
Sa ganitong kalagayan, hindi natin maaasahan ang isang epektibong healthcare system kung hindi natin papayagang umangkop ito sa mga totoong pangangailangan ng panahon.
Kaya panahon na upang alisin ang red tape at bigyang-daan ang mas mabilis, episyente, at makataong serbisyo sa larangan ng kalusugan.
Bigyang kapangyarihan ang DOH—para sa mas malusog, mas ligtas, at mas maunlad na bayan.
