BOC HUMATAW SA JULY TARGET COLLECTION

SA kabila ng epekto ng patuloy na matinding limitasyon dahil sa pandemya ng coronavirus disease – 2019 (CO­VID-19) sa kalakalan at komersiyo, napakaganda pa rin ng koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) nitong Hulyo.
Masasabing humataw ang BOC dahil nakako­lekta ito ng P58.183 bilyon, samantalang ang tudlang koleksiyon nito sa Hulyo ay P53.751 bil­yon lamang.
Kaya, pumalo sa P4.432 bilyon ang sobra nito sa tudla o 8.2 porsiyento ang katumbas nito.
Base sa preliminary report ng BOC-Financial Service, 14 sa 17 Collection Districts ng ahensiya ang nakaabot ng kanilang target.
Ang mga ito ay ang Port of San Fernando, Port of Manila, Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Batangas, Legaspi, Tacloban, Su­rigao, Cagayan De Oro, Zamboanga, Davao, Su­bic, Clark, Aparri at Port of Limay.
Kapansin-pansing nakalagpas ang BOC sa target na makolekta nito kada buwan kahit walang tigil ang pananalasa ng COVID – 19 na nakaaapekto sa kalakalan at komersiyo ng mga bansa sa mundo.
Noong nakaraang taon, nakakolekta ang BOC ng P539.687 bilyon o katumbas sa 106.23% ng target nitong mako­lekta.
Napanatili rin ng ahensiya ang pagkolekta ng P359.930 bilyon o ang katumbas na 104.15%.
Lumampas ito sa P345.584 bilyon mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan.
Kaugnay nito, pinatutunayan ng BOC  na patuloy ang pinagsama-samang maigting na pagsisikap ng lahat ng distrito ngayong taon habang tinitiyak nito ang border security at trade facilitation ng bansa.
Dahil sa paghataw ng BOC sa koleksiyon ng rebenyu, pinuri ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga pagsisikap ng mga opisyal at empleyado ng buong ahensiya sa mahusay na pagganap ng mga trabaho, tungkulin at obligasyon, sa kabila ng panganib na dulot sa  kanilang kalusugan at kaligtasan mula sa CO­VID – 19, partikular ang pagsulpot ng Delta variant sa maraming panig ng bansa.
(Joel O. Amongo)
95

Related posts

Leave a Comment