NASABAT ng Bureau of Customs (BOC), sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Coast Guard (PCG), ang tinatayang 800 kilo ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon sa Manila International Container Port (MICP).
Isinagawa ang operasyon matapos ipatupad ng BOC ang mas mahigpit na inspection protocols at risk profiling measures sa mga inbound shipment sa pantalan.
Nadiskubre ang kontrabando matapos ang isinagawang 100 porsiyentong physical examination sa isang shipment na dumating sa MICP noong nakaraang linggo.
Ayon sa BOC, nagmula sa Thailand ang shipment na idineklarang naglalaman ng rubber mats at plastic wares, ngunit na-flag ito para sa beripikasyon ng Intelligence Group’s Risk Management Office matapos ang isinagawang risk assessment.
Sa pagsusuri ng mga customs examiner, natuklasan ang 80 kahon na naglalaman ng vacuum-sealed transparent packs ng hinihinalang marijuana o kush na may kabuuang timbang na 800 kilo.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, bunga ang pagkakasabat ng masusing risk assessment, intelligence coordination at pagsisikap ng mga frontline personnel.
“Alinsunod sa direktiba ng Pangulo laban sa drug smuggling, patuloy nating pinapalakas ang inspections at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa ating mga pantalan,” ani Nepomuceno.
(JESSE RUIZ)
43 