SISIMULAN ngayong araw ang isang linggong protesta ng mga magsasaka at manggagawa laban sa umano’y talamak na katiwalian na bigong masugpo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Cathy Estavillo ng grupong Amihan, magsasagawa ng unang kilos-protesta sa harap ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City.
Pangungunahan ito ng mga grupo sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Anakpawis, at Bayan, at magtatagal hanggang Oktubre 21 — kasabay ng anibersaryo ng paglagda ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa tinaguriang “pekeng land reform law” o Presidential Decree 27.
Batay naman sa pahayag ng Makabayan Bloc sa Kamara, isang malakihang kilos-protesta ang idaraos sa Mendiola sa Oktubre 17. Ito ay pangungunahan ng mga grupong nagsagawa rin ng malawakang protesta sa Luneta noong Setyembre 21. “The youth refuse to be silent while billions in public funds are stolen. We will bring our voices to the gates of power,” ayon sa kanilang statement.
Giit ng mga militanteng grupo, hindi mananahimik ang taumbayan hangga’t walang napapanagot sa umano’y malawakang korupsyon sa mga flood control project na kasalukuyang iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Bukod sa isyung ito, igigiit din ng mga nagpoprotesta ang pananagutan ng gobyerno sa anomalya sa unprogrammed funds, presidential pork barrel, kakulangan ng tulong sa mga biktima ng kalamidad, patuloy na pagdagsa ng imported rice, at kawalan ng sariling lupang sakahan para sa mga magsasaka.
Magwawakas ang serye ng protesta sa Oktubre 21 sa Liwasang Bonifacio, Maynila.
(BERNARD TAGUINOD)
97
