NAKASABIT sa kisame ang isang babae nang madatnan ng kanyang kinakasama sa loob ng kanilang inuupahang bahay sa Valenzuela City noong Linggo ng hapon.
Hindi umabot nang buhay sa Valenzuela City Emergency Hospital ang biktimang si Noralyn Ubaldo Calig, 21, tubong Sagrada Familia, Minalabac, Camarines Sur.
Sa ulat ng Valenzuela City Police Station, kumatok nang kumatok sa kanilang inuupahang bahay sa #36 Damayan St., Dalandanan, ang kinakasama ni Calig na si Dominador Panes bandang alas-5:00 ngunit walang nagbukas ng pinto kung kaya’t pinasok na lang ang bahay.
Sinabi ng pulis, pag-akyat sa pangalawang palapag ng kanilang bahay ay nabigla ang lalaki dahil tumambad sa kanya si Calig na nakabitin sa kisame sa pamamagitan ng nylon cord kaya’t mabilis na kinalagan at isinugod sa pagamutan.
Walang nakitang bakas na sinaktan ang biktima maliban sa marka ng tali sa kanyang leeg. (FRANCIS SORIANO)
