BULUSAN INILAGAY SA ALERT LEVEL 1

ITINAAS na sa Alert Level 1 ang Mount Bulusan matapos makitaan ng pag-aalburuto, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Batay sa datos, umabot na sa 475 volcanic earthquakes ang naitala simula Marso 15, indikasyon ng paggalaw sa loob ng bulkan.

Naitala rin ang pamamaga o inflation sa ilang bahagi nito at patuloy na degassing activity na may sulfur dioxide emission na 91 tonelada kada araw.

Ayon sa Phivolcs, posibleng magdulot ito ng phreatic eruptions o steam-driven explosions anomang oras.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone, habang pinaigting ang pagbabantay sa 2-kilometrong Extended Danger Zone sa timog-silangang bahagi.

Pinayuhan ang mga residente na maghanda sa posibleng ashfall, lalo na ang mga bata, buntis, matatanda at may sakit.

Inabisuhan din ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib ng abo.

Patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang sitwasyon at agad maglalabas ng update sakaling magkaroon ng pagbabago.

(PAOLO SANTOS)

56

Related posts

Leave a Comment