NANINIWALA si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na kailangan pang palakasin ang bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill sa Kamara upang tuluyang matuldukan ang dominasyon ng mga political family.
Ayon kay Diokno, hindi sapat ang House Bill No. 8389 at maaaring hindi nito maresolba ang matagal nang isyu ng political dynasty sa bansa.
“The Constitution commands Congress to enact an anti-political dynasty law… but House Bill No. 8389 is falling short,” giit niya.
Ikinumpara niya ang bersyon ng Kamara sa Senado, kung saan mas mahigpit ang limitasyon sa magkakamag-anak na sabay-sabay na maaaring humawak ng posisyon.
Sa House version, posible pa rin aniyang maghawak ng iba’t ibang posisyon ang isang pamilya—mula national hanggang local—na nagreresulta sa konsentrasyon ng kapangyarihan.
Samantala, ipinagtanggol naman ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang panukala.
Aniya, nakabatay ito sa Konstitusyon at layuning balansehin ang reporma at karapatan ng bawat mamamayan sa pagtakbo sa posisyon.
“Our task is to craft a definition that is constitutional, workable, and capable of withstanding scrutiny,” paliwanag ni Adiong.
Patuloy pa ring dinidinig at pinagtatalunan sa plenaryo ang naturang panukala.
(TINA MENDOZA)
75 