BATANGAS – Hindi nakaligtas sa malakas na agos ng tubig ang isang miyembro ng CAFGU nang bisitahin ang kanyang kasamahang nangingisda sa bayan ng Lian sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Rufino Mendoza, 54, residente sa Sitio, Tan-Ag, Brgy. San Diego.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:00 ng gabi noong Biyernes nang tumawag sa pulisya ang MDRRMC ng bayan ng Lian na hindi na naisalba ang buhay ni Mendoza dahil sa pagkalunod sa dagat.
Base sa ulat ng pulisya, binisita ng biktima ang kanyang co-CAFGU member na si Renato Gonzales na noo’y nasa gitna ng laot kasama si Rodolfo Malinay upang manghuli ng isda.
Sumunod sa laot si Mendoza upang tingnan ang laman ng fishnet ngunit makalipas ang ilang sandali ay nakita na lamang ng mga ito na lumulutang na sa tubig ang walang malay na si Mendoza na may 25 metro ang layo.
Sinabi ng dalawang saksi na maaring tinangay ito ng malakas na daloy ng tubig at nalunod.
Dinala na ang labi ni Mendoza sa Anters Funeral Homes sa Nasugbu, Batangas.
Isinailalim sa awtopsiya si Dra. Eloisa Baylosis, municipal health officer ng Lian, ang bangkay ng biktima. (CYRILL QUILO)
211 