NAGPALIWANAG si Caloocan City Administrator (CA) Oliver Hernandez hinggil sa kumakalat na mapangligaw na paskil sa social media hinggil sa umano’y nawawalang P192 milyong pondo, ayon sa 2019 Annual Audit Report ng Commission on Audit (COA).
Ani Hernandez, ang hindi tugmang nakadeklarang pera sa ilang bangko ng pamahalaang lungsod ay minana pa sa nakaraang administrasyon; at sa financial report ng Caloocan naman ay malaki ang inayos sa isang taon pagkakaupo ni Mayor Oca Malapitan.
“Minana pa po natin ito dahil noong nakaraang administrasyon pa ay nawawala na ito. Posibleng nagkamali ang recording ng nakaraang administrasyon dahil iba ang nasa ledger at record sa bangko. Marami pong problema ang hinarap ng administrasyon ni Mayor Oca noong siya ay nag-umpisang manungkulan bilang alkalde noong 2013 at isa na po ito. Hindi updated ang bank reconciliation ng nakaraang administrasyon at walang mga dokumentong iniwan para maisaayos natin ito,” pahayag ni CA Hernandez.
Dagdag pa niya, sa panunungkulan ni Malapitan ay updated at nagtutugma ang lahat ng mga dokumento ng mga transaksyon ng pamahalaang lungsod, maging ang annual financial report na isinusumite sa COA. Ang bank reconciliation ay naisasagawa rin buwan-buwan, ayon sa panuntunan ng COA. (ALAIN AJERO)
354
