UMABOT na sa 1,630 ang total deaths sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area, ayon sa health offices ng nasabing mga lungsod.
Noong Mayo 4, muling nagtala ng labingsiyam na namatay sa nasabing sakit ang CAMANAVA.
Ayon sa ulat, walo ang patay sa Caloocan City habang 1,572 ang active cases. Pumalo na sa 27,192 ang mga tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, kung saan 24,849 na ang gumaling at 771 ang namamatay.
Anim naman ang namatay sa Valenzuela City, 23 ang nagpositibo at 137 ang gumaling.
Sumampa na sa 17,760 ang nasapul ng pandemya sa siyudad at sa nasabing bilang ay 16,522 na ang nakarekober at 418 na ang sumakabilang buhay.
Pumanhik sa 408 ang COVID death toll sa Malabon City matapos na apat na pasyente ang malagutan ng hininga.
Habang 48 ang nadagdag na confirmed cases, at sa kabuuan ay 12,416 ang positive cases, 407 dito ang active cases.
Nabatid naman na 41 pasyente ang gumaling at 11,601 na ang recovered patients ng siyudad.
Isa naman ang binawian ng buhay sa Navotas City at 403 ang active cases habang 12 ang nagpositibo at 22 ang gumaling.
Umakyat na sa 10,541 ang positive cases sa lungsod, at sa bilang na ito ay 9,805 na ang gumaling at 33 ang namatay. (ALAIN AJERO)
