INARESTO ng mga operatiba ng Southern MMDFU NCR CIDG (lead unit) kasama ng DMFB SPD, ang tatlong empleyado ng isang kumpanya, isang third party na accredited ng East West Bank, dahil sa pagkakasangkot sa robbery extortion activities na bumibiktima ng car loan owners.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronald Flaviano y Palad, 46; Joel Berdin y Buenaobra, 49, at Florence Mendoza y Mabuti, 28, pawang skiptracer/repossesor ng EGY Company.
Napag-alaman, modus operandi umano ng mga suspek na humingi ng pera mula sa car loan owners, kasabay ng pagbabanta na hihilahin ang kanilang ini-loan na sasakyan at pinipilit silang pumirma sa ‘waiver of surrender’ at special power of attorney (SPA) upang direktang mabenta ang kanilang unit bagama’t binabayaran naman nila ang kanilang car loan.
Bunsod nito, dakong 12:55 ng hapon noong Agosto 5, 2022, iniutos ni P/Lt. Col. Mark Jason Gatdula sa mga operatiba ng Southern MMDFU NCR CIDG (lead unit) kasama ng DMFB SPD, na magsagawa ng entrapment operation sa parking lot ng Grand Valero Suites sa #152 Valero Street Salcedo Village, Barangay Bel Air, Makati City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Makaraan ang pag-aresto, nagsagawa ang operating units ng custodial investigation at nabatid na ang mga suspek ay walang hawak na ano mang sulat mula sa banko at wala ring hawak na ‘Order for Writ of Replevin’ mula sa korte na nagbibigay ng awtoridad sa kanila na hilahin ang sasakyan ng car loan owners, patunay na ang ginagawa ng mga ito ay para kotongan ng pera ang mga biktima.
