HINIKAYAT ang mga awtoridad na mahigpit na ipatupad ang Anti-Distracted Driving Act (RA 10913) o pagbabawal ng tinted na mga sasakyan para mabawasan ang sobrang trapik na dulot ng mga checkpoints at choke points na ipinatutupad ng pulisya at militar papasok at palabas ng Metro Manila.
Sa pamamagitan ng nasabing batas, magiging madali ang trabaho ng pulisya at militar sa kanilang isinasagawang checkpoints at choke points.
Kung may dadaan na tinted vehicles sa checkpoints at choke points ay huhulihin at papatawan ng kasong paglabag sa nasabing batas.
Sa ilalim ng RA 10913, magmumulta ng halagang P5,000 sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawang paglabag, at P15,000 sa ikatlong paglabag at tatlong buwang suspension ng driver’s license.
At sa sumunod na paglabag ay revocation of driver’s license at multang P20,000.
Nauna rito, kamakailan idineklara ng national government ang pagsasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at pinayagan nang makapagbukas ang mga kompanya sa National Capital Region (NCR).
Dahil dito, noong Lunes, Mayo 18, dumagsa ang mga motorista papasok sa Metro Manila mula sa South at North Expressway na nagdulot ng mahabang trapiko.
Pangunahing dahilan umano ay ang checkpoints at choke points na ipinatutupad ng mga awtoridad sa nasabing mga lugar.
Isa-isa umanong pinahihinto ng pulisya at militar ang lahat ng mga sasakyan na dumaraan dito.
Ang nasabing sistema ng mga awtoridad ay umani ng batikos mula sa netizens at mga manggagawa na gustong makapasok sa kani-kanilang opisina at kompanya sa unang araw ng kanilang trabaho. (JOEL O. AMONGO)
