MAGBIBIGAY ng tig-1k kada pamilya ang pamahalaang lungsod ng Maynila bilang tulong sa krisis na hinaharap ngayon dahil sa COVID-19, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.
Nilagdaan na ng alkalde ang Ordinance No. 8625 o City Amelioration Crisis Assistance Fund (CACAF), kung saan makatatanggap ng cash assistance ang nasa 568,000 na pamilya sa buong lungsod na kanyang inanunsyo sa kanyang Facebook live.
Sa nasabing ordinansa ay pinahihintulutan ang paglalaan ng supplemental budget na nagkakahalaga ng P591 milyon upang magbigay ng tulong pinansyal sa mahigit 500k na pamilya.
Nais ng pamahalaang lungsod na maabutan ng tulong pinansyal ang lahat hanggang sa Abril 9.
“House to house po. Wala pong pila. Lahat ng itinala niyo ay dapat bigyan niyo isa-isa. Sila ay mag-iisyu ng resibo at acknowledgement receipt,” anang alkalde sa kanyang Facebook live.
“Huwag niyong pupuntahan ang inyong Chairman. Mag-uumpisa po tayong mamigay sa Martes,” dagdag pa ng alkalde.
Dapat daw na mapanatili ang social distancing at iwasan ang mass gatherings.
Ang budget para dito ay mula sa Office of the Mayor, Manila Department of Social Welfare at City Development Fund, na ilalaan sana para sa pagpapaganda at iba pang proyekto sa lungsod.
“The amount of P1,000 per beneficiary shall be given to barangay-identified beneficiaries as financial assistance to be distributed in the 896 barangays in the City of Manila to cushion the effect of the COVID-19 crisis and to enable the people of Manila to purchase much needed food and supplies for their survival,” sabi pa ni Isko.
Sinabihan din ng alkalde na tumutok sa kanyang Facebook page dahil gabi-gabi niyang ihahayag ang mga barangay na tumanggap na ng cash. CACAF. D. ANIN
214
