MISTULANG kinalampag ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na madaliin ang pamamahagi ng tulong pinansiyal na dapat naibigay sa mga mag-aaral sa pagtatapos ng school year 2018-2019 para sa senior high school at tertiary students.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na ibinibigay ang naturang tulong pinansyal sa ilalim ng programang Senior High School Voucher Program (SHS-VP) ng DepEd at Tertiary Education Subsidy (TES) ng CHED.
Ayon kay Gatchalian, makapagbibigay ito ng ginhawa sa mga pamilyang apektado ng krisis na sanhi ng coronavirus disease o COVID-19.
Aniya, maliban sa pagsisilbing ayuda sa pamilyang apektado ng COVID-19, makatutulong din ang pondo sa pribadong paaralan, lalo na sa pagbibigay ng paunang sahod at 13th month pay sa mga kawani at guro.
“Kung may tamang panahon para putulin ng DepEd at CHED ang red tape, ito na ang pagkakataong gawin nila ito. Ngayong nasa gitna tayo ng isang matinding krisis dahil sa COVID-19, malaking ginhawa ang maitutulong ng voucher program at TES sa ating mga mag-aaral, magulang, guro, at kawani ng paaralan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ang SHS VP ay isang programang nagbibigay tulong-pinansyal sa mahuhusay ngunit nangangailangang mag-aaral upang makapag-aral sila sa pribadong paaralan, state at local universities and colleges, at technical and vocational institutions.
Para sa school year 2018-2019, maaaring makatanggap ang mag-aaral ng tulong pinansyal na nagkakahalagang P14,000 hanggang P22,500, depende kung saan ang lokasyon ng mga mag-aaral.
Para sa taong 2019, mahigit P14 bilyon pa ang dapat bayaran ng DepEd sa SHS VP.
Ang halagang ito ay nakatakdang bayaran ng DepEd gamit ang halos dalawampu’t apat (23.93) na bilyong pisong kasalukuyang budget para sa programa. Sa kasalukuyan, mahigit 1.2 milyong mag-aaral ang bahagi ng SHS-VP.
Ang TES naman ay isa sa mga bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act 10931) o free tuition law. Sa ilalim ng programang ito, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng hanggang P40,000 ayuda para sa mga aklat, transportasyon, tirahan, at iba pang mga gastusin. Para sa School Year 2018-2019, may labing anim (16) na bilyong pisong nakalaan para sa TES, ngunit halos P4.7 bilyon pa lamang ang nagamit sa pagtatapos ng taong 2018.
Si Gatchalian ay isa sa mga may akda at nagpanakula ng free tuition law. ESTONG REYES
209 