Casino sa Angeles ipinasara GOV’T OFFICES SA BULACAN NI-LOCKDOWN

ISINAILALIM sa lockdown ang ilang mga tanggapan sa loob ng Bulacan Capitol Compound gaya ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Office, Dialysis Center sa Bulacan Medical Center (BMC), at ang Public Attorney’s Office (PAO) Annex, habang ipinasara rin ng City Government ng Angeles at Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ang Casino Filipino Angeles makaraang tamaan ng coronavirus disease o (COVID-19) ang mga tauhan dito.

Matapos makarating sa kaalaman ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang report mula sa Provincial Public Health Office ay agad na ipinag-utos nito na i-lockdown ang Bulacan CIDG Office makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 14 preso at anim na kawani, kabilang ang hepe rito habang hinihintay pa ang resulta ng siyam pang mga tauhan ng CIDG.

Naka-lockdown din ang tanggapan ng PAO Annex Office sa loob ng 14 araw matapos tamaan ng nasabing infectious disease ang dalawang abogado rito habang isinailalim naman sa 2-day disinfection procedure ang dialysis center sa BMC building dahil nagpositibo rin ang dalawang nurse dito.

Ang tanggapan ng Bulacan CIDG ay nasa pagitan ng Bulacan Police Provincial Office at Official Residence of the Governor na nasa Capitol Compound.

Samantala, sinabi ni Bulacan PNP director Col. Lawrence Cajipe, wala pang tinatamaan na Bulacan police personnel o nagpositibo sa nasabing viral disease hanggang sa kasalukuyan.

Ang PAO annex ay nasa loob ng GSIS building kung saan marami pang mga tanggapan ang nag- oopisina rito gaya ng Bulacan Press Club, PDEA office, Kapisanan ng mga Dentista sa Bulacan, DICT at law firm offices.

Ang mga ito ay katabi rin ng Provincial Jail na kung saan ay mayroon ding naitalang isang personnel na positive sa COVID ngunit wala namang mga preso ang iniulat na positibo.

Sa huling talaan ng Bulacan PHO hanggang nitong Biyernes, 46 new COVID cases ang nadagdag sa listahan na umabot na sa 809 ang confirmed cases, 488 sa mga ito ang active cases, 280 naman ang nakarekober habang 41 na ang namatay.

Sa Angeles City, ipinasara ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. at ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR), ang Casino Filipino Angeles noong Biyernes makaraang magpositibo sa COVID ang tatlong empleyado rito.

Ang isinagawang pagpapasara upang agad na makapag-contact tracing kasabay ang disinfection protocol sa kapaligiran, sa loob at labas base sa derektiba ng punong lungsod upang hindi kumalat ang virus. (ELOISA SILVERIO)

92

Related posts

Leave a Comment