WALA sa listahan ng Common Legislative Agenda (CLA) ng executive at legislative branch of government ang pag-amyenda sa 1987 Constitution para palawigin ang termino ng mga politiko at palitan ang sistema ng gobyerno.
Ito ang nabatid matapos ilabas ng Kamara ang 30 CLA na napagkasunduan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Martin Romualdez.
Pawang may kinalaman sa usapin ng pagbubuwis, ekonomiya, kalusugan, enerhiya, imprastraktura, agrikultura, seguridad at iba pa ang mga panukalang napagkasunduan ng Ehekutibo at Lehislatura na ipapasa sa loob ng anim na taon.
Sinabi ng isang mambabatas na hindi na nagpabanggit ng pangalan dahil walang otorisasyon na magsalita, na hindi nabanggit sa LEDAC meeting ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Pangunahin agenda ng mga nagsusulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon ang gawing 5 taon ang termino ng Pangulo ng Pilipinas at papayagan din itong tumakbo sa ikalawa at huling termino gayundin sa lahat ng halal na opisyales mula konsehal ng bayan at siyudad hanggang sa hanay ng mga kongresista maliban sa mga senador.
Sa Senado, tinatalakay na rin ang panukalang batas para palitan ang sistema ng gobyerno mula presidential tungo sa federal form of government.
Samantala, ipinagmalaki ni Speaker Romualdez na 20 sa 30 CLA na napagkasunduan sa LEDAC na maging priority bills ay naipasa na umano noong nakaraang Kongreso kaya hindi na ito dadaan sa mahabang proseso.
“We have the internal mechanism for an expeditious approval process that is enshrined in Rule 10, Section 48 of the House rules of procedure,” ani Romualdez kung saan kabilang sa panukalang ito ang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) and National Service Training Program, Budget Modernization bill, National Government Rightsizing Program, National Defense Act, Enactment of an Enabling Law for the Natural Gas Industry, Amendments to the Electric Power Industry Reform Act at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)
238
