KASUNOD ng anunsyong magsisimula na sa susunod na linggo, Agosto 16, ang enrollment sa mga pampublikong paaralan para sa School year 2021-2022, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas agresibo at mabisang pagpapatupad ng “Child Find System” o CFS upang matukoy, makita, at masuri ang mga learners with disabilities o mga kabataang may kapansanan na hindi nakatatanggap ng edukasyon.
Bago pa tumama ang COVID-19 pandemic, hirap na ang learners with disabilities na maging bahagi ng general education system sa bansa, paliwanag ni Gatchalian.
Bagama’t tinataya ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may mahigit limang milyong kabataan sa bansa ang may kapansanan, halos kalahating milyon
(439,700) lamang ang learners with disabilities na naka-enroll sa mga paaralan ng DepEd.
Lalo pang lumalala ang mga hamong kinakaharap ng learners with disabilities dahil sa pandemya. Ayon sa “Rapid Survey on the Situation of Children with Disabilities in the Context of COVID-19” na isinagawa ng Save the Children noong Mayo 2020, halos limampung (48) porsyento ng mahigit apat na libong (4,066) mga kalahok ang nagsabing hindi sila makatanggap ng serbisyong pang-edukasyon dahil sa quarantine measures.
Sa Senate Bill No. 1907 o ang “Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act,” ipinaliwanag ni Gatchalian na ang panukalang pagpapatayo ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) ay bibigyan ng mandatong ipatupad ang CFS. (ESTONG REYES)
149 