MAHIGPIT ang pagbabantay ngayon ng Bureau of Immigration (BI) laban sa limang indibidwal kasama ang isang Chinese na nagpakilalang nagmamay-ari ng isang telecommunications company at nanghikayat ng investors upang magsilbing bagong network provider sa bansa.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng hold departure order at warrant of arrest ng Pasay City Regional Trial Court dahil sa kasong syndicated estafa laban sa limang indibidwal.
Kinilala ang mga ito na sina Neng Shen Sy, Chinese national at mga Pinoy na sina Mark Glenn Sy, Felisa Sy, Stephen Sha at Ronald Fesalbon.
Ang lima ay nagpakilalang mga may-ari at kinatawan ng Pil-Chi Telecoms Inc. na may tanggapan sa Investment Center, Juan Luna St., Binondo, Maynila.
Ang HDO at warrant of arrest ay ipinalabas ni Presiding Judge Rowena Nieves Tan kaugnay sa kinakaharap na kasong syndicated estafa ng limang indibidwal at walang kaukulang piyansang inirekomenda sa mga ito.
Sa impormasyon, kinumbinsi ng mga suspek ang isang negosyanteng Chinese na tumangging magpabanggit ng pangalan dahil sa isyu ng seguridad, upang maglagak ng investment sa kanilang telecommunication company.
Dahil sa tiwala at pagnanasa na makapagtayo ng telco sa Pilipinas, nakumbinsi ang negosyante na maglagak ng kabuuang P100 milyon.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa lima kasabay ng panawagan sa iba pa nilang nabiktima na magsumbong at maghain na rin ng kaso.
141