CHINESE TRADER TINODAS SA ELEVATOR

MASUSING iniimbestigahan ng Manila Police District ang pagpaslang sa isang 50-anyos na negosyanteng Chinese na pinagbabaril sa loob ng elevator ng isang condominium sa Binondo, Manila noong Martes ng hapon.

Malaki ang hinalang may kaugnayan sa negosyo ang pagpatay sa biktimang kinilalang si Wen Dun Chen, residente ng Mandarin Square sa Ongpin St., Binondo.

Malaki ang hinala ng pulisya na hitman ang gunman na ayon sa saksing si Freddie Boy Yacob, operator ng elevator, ay nag-iisa lamang ang suspek na nakasuot ng itim na t-shirt, itim na pantalon, 5’7″ ang taas at katamtaman ang laki ng pangangatawan.

Batay sa inisyal na ulat ng MPD-Homicide Section, bandang alas-1:45 ng hapon nang pagbabarilin ang biktima sa elevator ng Sunjoy Building sa #525 Lavezares St. sa Binondo.

Sumakay sa elevator ang biktima ngunit pagsapit sa ikalawang palapag ay may nag-aabang na gunman. Nang bumukas ang pinto ng elevator ay pinagbabaril ng suspek ang negosyante.

Mabilis namang tumakbo palayo si Yacob sa pangambang siya ay madamay.

Isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit hindi umabot nang buhay. (RENE CRISOSTOMO)

190

Related posts

Leave a Comment