(DANG SAMSON-GARCIA)
WALANG limitasyon ang Impeachment court sa maaari nitong gawin, desisyunan o hindi gawin at hindi desisyunan.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Francis Chiz Escudero bilang tugon sa naging komento ni dating Justice Antonio Carpio na bagama’t hindi unconstitutional ang ginawa nilang pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara, maituturing naman itong irregular.
Sinabi ni Escudero na ginagalang niya ang opinyon ng dating mahistrado subalit hindi anya siya sumasang-ayon dito.
Binigyang-diin ng Senate leader na siya ring tumatayong presiding officer ng Impeachment Court na alinsunod sa konstitusyon ang Senado ang may sole power na litisin at desisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment.
Wala rin anya sa impeachment rules o maging sa rules of court na nagbabawal sa senator-judge na magsulong ng anomang mosyon kaugnay sa kaso.
Samantala, muling iginiit ni Escudero na ang pag-iinhibit ng senator-judge sa impeachment trial ay magiging desisyon ng indibidwal at hindi maaaring ipilit sa kanya.
‘Abogado’ Ni VP Sara
Isinumite na sa Impeachment court ang listahan ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte para sa impeachment trial.
Tinanggap ng Senate Secretary na umaakto bilang Clerk of Court ang isinumiteng “Appearance Ad Cautelam” mula sa Fortun Narvasa & Salazar law firm.
Batay sa talaan, 16 ang mga abogado na haharap at magsisilbing defense team ni VP Sara sa paglilitis.
Kabilang sa defense lawyers ng Bise Presidente sina Atty. Philip Sigfrid Fortun, Atty. Gregorio Narvasa II, Atty. Sheila Sison, Atty. Carlo Joaquin Narvasa, Atty. Roberto Batungbacal, Atty. Justin Nicol Gular, Atty. Lindon Miguel Bacquel, Atty. David Ronell Golla VII, Atty. Maria Selena Golda Fortun, Atty. Clarlaine Radoc, Atty. Francesca Marie Flores at Atty. Miguel Carlos Fernandez.
Kasama rin sa list of lawyers ni Duterte sa impeachment sina Atty. Michael Wesley Poa, Atty. Reynold Munsayac, Atty. Mark Vinluan at Atty. Ralph Bodota.
Spox Ng Prosec Panel
Samantala, ipinakilala na kahapon sa mga kagawad ng media sa Kamara ang Spokesman ng Prosecution Team ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa impeachment trial laban kay VP Sara.
Kahapon ay humarap sa kanyang unang press conference si Atty. Antonio “Audie” Z. Bucoy na nagtapos ng abogasya sa University of the Philippines (UP) noong 1984 at isang corporate at remedial law professor.
Bukod dito, managing partner din siya sa Bucoy Poblador and Associates Law Offices na dalubhasa umano sa corporate and tax, trial at appellate litigation, miyembro rin ito ng FLAG o Free Legal Assistance Group mula 1980 at MABINI (Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism, Inc.).
“Para sa bayan,” sagot ni Bucoy nang tanungin kung ano ang nag-udyok sa kanya na tanggapin ang papel bilang spokesman ng mga miyembro ng House Prosecution Team at maging ng private prosecutors.
Inamin nito na personal siyang kinausap ng mga kaibigan sa prosecution team na tulungan sila at matapos konsultahin ang kanyang pamilya ay tinanggap nito ang nasabing papel.
“Gaya ng sinabi ko, ako po ay pinakiusapan kung maaaring tumulong. Hindi ko po kinakailangan ang bayad. Para sa bayan ito. Hindi bayad, bayan!,” sagot ni Bucoy nang tanungin kung babayaran ito bilang spokesman ng prosecution team.
“Tayo po ay nahaharap sa usaping pananagutan. Pero ito po ay hindi pangkaraniwang usapin ng pananagutan, ito ay moral na usaping pananagutan,” paliwanag ni Bucoy at natatangi aniya ito dahil sa unang pagkakataon ay sinakdal ang Pangalawang Pangulo sa pagbabanta sa buhay ng Pangulo, Unang Ginang at Speaker of the House.
Natatangi aniya ito dahil sa unang pagkakataon ay sinakdal ang pangalawang pinakamataas na lider ng bansa ng pandarambong at paglustay sa pera ng bayan, pagtataksil sa saligang batas at karumal-dumal na krimen.
Pinasadahan din nito ang mga humaharang sa impeachment proceedings na takot sa katotohanan at may itinatagong katiwalian at kamalian kaya umapela ito sa lahat ng Pilipino na makialam.
“Sa usaping patungkol sa proseso, walang ibang higit na mahalaga kundi suyurin at hanapin ang katotohanan. The delay or suppression to know the truth becomes even more palpable, it becomes more compelling the longer that you delay or suppress the desire to know the truth so magmatyag po tayo. Obserbahan po natin yung proseso. Lets all gets involved. Gaya ng sinabi ko, we are all stakeholders sa prosesong ito,” ani Bucoy.
(May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)
