SISIMULAN na rin ng Office of the Ombudsman na imbestigahan kung paano ginastos ng Department of Health ang pondong laan sa paglaban sa COVID-19.
Isusumite ng Department of Budget and Management ang mga dokumento sa Ombudsman bilang tugon sa kahilingan nito para sa nagpapatuloy na pagbusisi sa pagtugon sa COVID-19 ng pamahalaan.
Tiniyak ni Budget Secretary Wendel Avisado kay Ombudsman Samuel Martires ang kooperasyon ng departamento sa imbestigasyon.
Nauna nang sinabi ni Martires na nagpadala na ang kanyang tanggapan ng subpoena kay Avisado at Health Secretary Francisco Duque III para humingi ng dokumento kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman sa diumano’ y pagkakamali sa DOH COVID-19 response.
Layunin ng subpoena na tuntunin ng Ombudsman ang COVID-19 funds.
Samantala, sinabi ni Avisado na ang pondo na umaabot sa P355.68 billion ay naipalabas na ng DBM sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa coronavirus response interventions. (CHRISTIAN DALE)
