KINONDENA ng Department of Health (DOH) ang isang retiradong doctor dahil sa pahayag na hindi epektibo bagkus ay mas mapanganib pa ang itinuturok na COVID-19 vaccines kaysa mismong virus.
“The DOH condemns health professionals who have been spreading false information regarding life-saving interventions such as COVID-19 vaccines,” pahayag ng DOH.
Ayon kay Dr. Romeo Quijano, retiradong miyembro ng University of the Philippines-College of Medicine, matagal na niyang pinag-aaralan ang ginagamit na mga bakuna kontra COVID-19.
“Matagal ko nang pinag-aaralan ‘tong mga bakuna na ito, mas delikado iyang mga bakuna na pinapalaganap ngayon kaysa virus mismo. Kaya malaking panganib kung pati mga kabataan ay mababakunahan din,” ayon kay Quijano sa isang panayam.
Ngunit iginiit ng DOH na iresponsable ang naturang pahayag lalo na’t kinahaharap ng Pilipinas ang mas mapanganib na Delta variant ng COVID-19.
Iginiit ng kagawaran na marami at malaki na ang mga ebidensya buhat sa iba’t ibang bansa na nagpapakita na mabisa ang mga bakuna para maiwasan ang pagkaka-ospital at pagkamatay ng mga COVID-19 positives sa kabila ng pagtaas ng mga kaso.
Pinaalalahanan ng DOH hindi lang ang health professionals, kundi maging ang publiko na mas maging maingat sa pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon ukol sa COVID-19.
“Maging maingat at responsable po tayo sa pagpapalaganap ng impormasyon sa ating mga kababayan,” dugtong pa ng opisyal ng DOH. (RENE CRISOSTOMO)
