INIHAYAG ng mga eksperto na bukod sa matatanda at mga tinaguriang may comorbidities ay kasama ang mga nagpalipas ng ilang araw bago magpatingin sa doktor sa dahilan ng mataas na death rate sa COVID 19 na nai- record ng DOH sa nagdaang Marso at ngayong Abril.
Sinabi ni Dr. Althea de Guzman ng DOH Epidemiology Bureau na may mga indibidwal na pinaabot pa ng isang linggo bago magpakonsulta bagama’t may nararamdaman nang kakaiba na maaaring maiugnay sa COVID-19.
Sa regular briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque ay sinabi ni de Guzman na may pagkakataon namang hindi na sana tumaas pa ang naitatalang namamatay at ang isang paraan ay ang pagiging maagap sa pagpapatingin sa doktor.
Aniya, nakapagtala sila ng average na 46 percent ng mga namatay nuong nakaraang buwan habang mula Abril a-uno hanggang a-onse naman ay nakapagtala sila ng average 41 deaths per day.
Sinabi rin nito na hindi pa naman ito abot sa peak na naitala nuong Agosto ng nakaraang taon na pumalo sa average 68 deaths per day. (CHRISTIAN DALE)
