LAGUNA – Nasakote ng mga awtoridad ang hinihinalang lider ng crime group sa isinagawang manhunt operation ng Biñan CPS noong Miyerkoles.
Ang suspek ay kinilala ni Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, Officer-In-Charge, Laguna PPO, na si Gerald Cerdeña, 40-anyos, lider umano ng criminal group na nag-ooperate sa lalawigang ito at karatig na mga lugar sa Cavite.
Nahaharap ang suspek sa 2 counts ng robbery na isinampa noong Agosto 22, 2022 na may inirekomendang piyansa na P100,000 bawat bilang.
Samantala, arestado rin ang rank no.5 most wanted person na isang 71-anyos na lolo sa Barangay Sta. Lucia, Nagcarlan, Laguna.
Kinilala ang suspek na si Edilberto Burbos , may kasong act of lasciviousness in relation to Sec. 5 ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na isinampa ng biktima sa Family Court, 4th Judicial Region , Branch 7 ng San Pablo City .
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Laguna Police Station ang mga suspek. (CYRILL QUILO)
