CRIME SOLUTION EFFICIENCY NG EPD TUMAAS NGAYONG TAON

TUMAAS ngayong taon ang crime efficiency solution (CSE) o epektibong pagresolba sa krimen ng Eastern Police District (EPD) kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon sa opisyal na pahayag ng pamunuan ng EPD, pumalo sa 95.9% ang crime efficiency solution sa huling linggo ng Mayo 2025 kumpara sa huling lingo ng Mayo noong 2024 na may naitalang 82.1% CSE.

Sinabi ni PBGen. Aden Lagradante, district director ng EPD, ang pag-angat na ito ay resulta ng pinaigting na police visibility at mas aktibong pakikipag-ugnayan sa mga komunidad sa ilalim ng Metro East.

Batay sa datos, 38 operasyon laban sa ilegal na droga ang naisagawa at 54 suspek ang nahuli, at nakumpiska ang 337 sachet ng shabu at 18.8 gramo ng marijuana na tinatayang halaga ang P2,319,800.

Umabot sa 63 nagtatagong kriminal ang nahuli sa ikinasang manhunt operation, dalawa rito ang top most wanted, lima ang most wanted at 56 other wanted persons.

Pagdating sa kampanya kontra ilegal na sugal, 55 indibidwal ang nahuli, at P12,883 pusta ang nakumpiska mula sa mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.

Tatlong suspek naman ang nahuli sa pagkakaroon ng hindi lisensyadong baril.

“Ang mabilis at maayos na pagresolba ng krimen sa Metro East ay resulta ng walang humpay na dedikasyon ng ating mga kapulisan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at mismong mamamayan,” ayon kay Lagradante.

Sinabi pa ng district director, aktibong isinusulong ng EPD ang mga community-based programs gaya ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at crime awareness seminars upang hikayatin ang partisipasyon ng publiko sa pagpapanatili ng kaayusan.

“Pinatutunayan nito na ang mas mataas na presensiya ng kapulisan sa mga lansangan ay epektibong deterrent laban sa krimen sa mga pampublikong lugar gaya ng palengke, terminal, komersyal na establisyimento, at mga lugar na dati nang naitalang hotspot ng krimen,” dagdag pa ni Lagradante.

(NEP CASTILLO)

60

Related posts

Leave a Comment