Election protest dinismis MR ISINAMPA NG TALUNANG KANDIDATO SA BULACAN

NAGSAMPA ng Motion for Reconsideration (MR) noong Lunes sa Malolos Regional Trial Court (RTC) ang panig ng natalong mayoral candidate sa Angat, Bulacan matapos ibasura ng korte ang naunang election protest nito.

Kasabay ng paghahain ng MR ay dumagsa sa harap ng Malolos Regional Trial Court (RTC) ang dismayadong supporters ng natalong kandidato na si Lamberto De Leon, bitbit ang mga placard na humihiling ng recount sa naganap na Elections 2025.

Si De Leon ay tinalo ni re-elected Reynante Bautista at lumamang lamang ng 259 votes.

Una nang naghain ng election protest ang kampo ni De Leon noong Mayo 22, 2025 at ini-raffle ang petisyon at bumagsak sa sala ni Judge Golda Salamat ng Branch 78, Malolos RTC noong May 26.

Kinabukasan, Mayo 27, ibinasura ni Judge Salamat ang nasabing petisyon “for insufficiency in form and content”.

Binasehan ng korte ang bigong matugunan ng nagpoprotesta ang ilan sa mga tuntunin gaya ng hindi dapat bababa sa 20% ang presinto na ipinoprotesta at detalyadong aksyon na nagpapakita ng pagkakaroon ng pandaraya sa nasabing mga presinto.

Hindi naman sang-ayon dito ang abogado ng kampo ni De Leon na si Atty. Reinante Lazaro, na sinabing out of 54 precincts mayroon sa bayan ng Angat, ay 22 precincts ang kanilang iprinisenta sa kanilang protesta na malinaw na mahigit sa 20% na required ng korte.

Kaugnay naman ng second ground ng korte, sinabi ni Lazaro na naipaliwanag nang sapat sa kanilang petisyon at MR ang pagtukoy sa ‘acts of fraud’ kasama ang salaysay ng witnesses.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang dumagsang supporters ni De Leon sa Malolos RTC, na nagtataka sa mabilis na desisyon ng korte na sa loob ng 24-oras ay ibinasura ang inihaing protesta.

Paniwala ng mga ito, si De Leon ang tunay na nanalo bilang alkalde sa bayan ng Angat.

Nabatid na nakakuha ng 18,892 boto si Bautista habang 18,633 boto naman ang tinamo ni De Leon.

(ELOISA SILVERIO)

85

Related posts

Leave a Comment